TOKYO PARALYMPIANS BAGONG BAYANI — RAMIREZ

WALA man ang inaasam na medalya, uuwi ang mga miyembro ng Team Philippines Paralympics mula sa Tokyo Games na mga bayani na dapat ikarangal ng sambayanan, ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez.

Kasama ang mga miyembro ng PSC Board, pinasalamatan ni Ramirez ang anim na Filipino Paralympians, mga coach, opisyal, at support staff na bumubuo sa delegasyon matapos ang pakikipaglaban sa pinakamahuhusay na atleta sa mundo sa Tokyo Paralympic Games.

“They were exceptional and dedicated Paralympians caught in a pandemic. Despite this, they carried the flag with pride and honor,” pahayag ni Ramirez.  “They were playing against the best Paralympians in the world. To qualify and participate in the Paralympics is a great honor in itself.”

Bago pa man makarating sa Tokyo, malaking hamon sa Team Philippines ang kabiguan ng ilang opisyal at ni powerlifter Achelle Guion na makasama sa delegasyon matapos magpositibo sa COVID-19. Sa Tokyo, hindi na rin nakapagpatuloy sa laban sina taekwondo jin Allain Ganapin at discus thrower Jeanette Aceveda nang lumabas sa kanilang pagsusuri na kailangan silang i-quarantine.

Sa kabila nito, hindi pinanghinaan ng loob ang tatlong nalalabing Pinoy na sina Jerrold Mangliwan ng athletics, at para swimmers Ernie Gawilan at Gary Bejino na nakipagsabayan sa mas nakapaghandang mga karibal at veteran internationalists.

Nagawang makapasok sa finals ni Mangliwan sa tatlong events na nilahukan. Panlima siya sa men’s 400m T52 race, habang naitala ang bagong personal best sa men’s 1500m T52 competition.

Sa pool, impresibo rin si Gawilan na No.6 sa men’s 400m freestyle S7 event at itinanghal na kauna-unahang Filipino para swimmer na sumabak sa Paralympics finals, habang nagpamalas ng potensiyal ang mas nakababata at first-timer na si Bejino.

“In spite of what happened, we take pride in these rare Filipino Paralympians. They inspire the country with their achievement. They are our new heroes today who in spite of their conditions fought well,” sambit ni Ramirez.

Iginiit ni Ramirez na prayoridad ng ahensiya, sa pakikipagtulungan sa Philippine Paralympic Committee, na mas mapaigting ang talent identification at pagpapatayo ng mga bagong sports venue.

“Together with the Philippine Paralympic Committee, we hope to find training venues for our para-athletes in the national pool. The sacrifices and resiliency of these para-athletes are beyond compare. We will support them in any way we can,” aniya. EDWIN ROLLON

2 thoughts on “TOKYO PARALYMPIANS BAGONG BAYANI — RAMIREZ”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *