SINASAMANTALA ni Arvin Tolentino ang extra time na ipinagkakaloob sa kanya ng Barangay Ginebra.
Sa pagkawala ng ilang key players sa Kings dahil sa injuries, malaki ang naiambag ni Tolentino para maitarak ng defending PBA Governors’ Cup champion ang 3-0 simula sa kanilang title retention bid.
Nagtala ang sophomore big man ng back-to-back career highs sa huling dalawang laro ng koponan upang mapiling Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week para sa period na Dec. 15-19.
Mahigpit na nakalaban ni Tolentino para sa weekly honor na ipinagkakaloob ng mga nagko-cover sa PBA beat sina teammate Christian Standhardinger at Magnolia’s Calvin Abueva.
Sa pagkakaroon ng karagdagang playing time sa pagkawala nina Aljon Mariano, Joe Devance, Stanley Pringle, at Jared Dillinger, si Tolentino ay unang nagpainit nang tumapos na may 16 points, kabilang ang apat na three-pointers, sa 108-82 panalo ng Ginebra laban sa import-less NorthPort para magtala ng bagong PBA career high.
Subalit pinatunayan ng dating Far Eastern University standout na tunay siyang maaasahan nang magtala ng bagong career record sa pagsalpak ng tatlo mula sa arc para sa 20 points kung saan humabol ang reigning champion sa huling bahagi ng regulation upang malusutan ang Phoenix sa overtime, 125-121.
Naipasok ni Tolentino ang huli sa kanyang tatlong tres, may 1:59 ang nalalabi sa extra period upang bigyan ang Kings ng 120-119 kalamangan tungo sa panalo kontra Fuel Masters.
Sa kanyang dalawang career-games, si Tolentino ay may average na 18 points sa 7-of-20 shooting mula sa downtown, at nagdagdag ng 2.5 rebounds, 1.5 assists, at 1.0 steals.
“That will help Arvin down the road, too, being able to play big minutes, meaningful minutes down the stretch, and it’s going to help his confidence,” wika ni Ginebra coach Tim Cone patungkol sa extra minutes na nakuha ni Tolentino.
“I think Arvin really opens it up for a lot of guys out there. And he just have to keep on shooting. Even if I’m yelling at him, he just have to keep on shooting.”