TOLENTINO PBAPC PLAYER OF THE WEEK

MAAGANG ipinaramdam ni Arvin Tolentino ang kanyang presensiya sa NorthPort sa 2022 PBA Philippine Cup.

Isang araw makaraan ang kanyang paglipat mula sa Barangay Ginebra sa isang trade na nakasentro kay sophomore big man Jamie Malonzo, ang sweet-shooting gunner ay agad na nagpasiklab para sa kanyang bagong koponan.

Ang 6-foot-5 wingman mula sa Far Eastern University ay nagbigay ng kinakailangang lakas para sa Batang Pier, na ilang segundo lamang ang layo sa pagdispatsa sa PBA powerhouse guest team Bay Area Dragons sa isang thriller noong weekend.

Si Tolentino ay impresibo sa kanyang unang dalawang laro sa Batang Pier, na may averages na 19.0 points, 8.0 rebounds, 4.0 assists, 2.5 blocks at 2.0 steals kung saan na-split ng koponan ang kanilang unang dalawang laro sa opening week.

Ang kanyang all-around numbers ay kinabibilangan ng 47-percent accuracy (7/15) mula sa downtown, dahilan para tanghalin siyang unang Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week ng torneo para sa period na Sept. 21-24.

Ayon kay Tolentino, produkto ito ng kanyang kahandaan na tumugon sa tuwing siya ay kakailanganin ng kanyang koponan.

“‘Ang iniisip ko, gusto ako ni coach Pido (Jarencio). Gusto ako ng NorthPort. I don’t want to think na ayaw sa akin ng Ginebra,” sabi ni Tolentino, ang 10th pick ng Gin Kings sa 2019 draft.

“I want to prove to them na hindi sila nagkamali. ‘Yun ‘yung mentality na nilalagay ko.”

Pinatunayan ito ni Tolentino sa kanyang mainit na debut para sa Northport.

Nagposte siya ng 16 points, 6 rebounds, 7 assists, 2 steals at 4 blocks nang maitala ng Batang Pier ang 92-89 comeback win kontra Phoenix Super LPG.

Maging laban sa mas matatangkad na Dragons sa sumunod na laro ay hindi nagpadaig si Tolentino sa pagkamada ng double-double na 22 markers, 10 boards at 3 steals, bagaman kinapos ang Batang Pier, 105-104, matapos ang buzzer-beating trey ni Myles Powell.

Kinonsidera rin para sa weekly citation na ipinagkakaloob ng mga regular na nagko-cover sa PBA beat ang NorthPort teammate ni Tolentino na si Robert Bolick, Blackwater’s Baser Amer, Troy Rosario, at Rashawn McCarthy.