MANALO o matalo, si Arvin Tolentino ay patuloy na nagiging sandigan ng NorthPort sa PBA Commissioner’s Cup.
Sa isang linggong sumalang ang Batang Pier sa kabuuang tatlong laro, si Tolentino ay tuloy-tuloy na nag-deliver para sa koponan, kabilang ang 115-101 upset sa San Miguel Beer sa panalong naitakas ng NorthPort sa kabila ng pagliban ni import Venky Jois.
Sa pagkawala ni Jois dahil sa hamstring injury, ang 28-year-old na si Tolentino ay nagbuhos ng 28 points at 5 rebounds, at kumana ng 3-of-6 mula sa arc upang punan ang butas na iniwan ng kanilang import at makumpleto ang stunning win.
Ang performance ay isang follow up sa kanyang 18-point, three-rebound effort sa 111-95 panalo kontra Converge sa naunang laro sa isa pang off-the-bench role.
Sapat na ang mga ito para tanghalin siyang PBA Press Corps-Pilipinas Live Player of the Week para sa period sa Dec 6-10 kung saan may averages siya na 23.7 points, 5.0 rebounds, 3.5 assists, at 1.7 steals.
Naging unang player siya na nagwagi ng weekly honor na ipinagkakaloob ng mga nagko-cover ng PBA beat, ng dalawang beses sa kaagahan ng season.
Si Tolentino ay naging Player of the Week din mula Nov. 8-12. Mahigpit na nakalaban ni Tolentino sa parangal si Phoenix rookie Ken Tuffin.
Sinindihan ni Tuffin ang third quarter comeback ng Phoenix kung saan niya naitala ang 13 sa kanyang 18 points upang pataubin ang reigning champion Barangay Ginebra, 82-77, sa out-of-town game sa San Jose, Batangas.
Ang kabayanihan nina Tolentino at Tuffin ay nagdala sa kani-kanilang koponan sa Top 5 sa standings, kung saan ang Top 4 teams matapos ang eliminations ay mabibiyayaan ng twice-to-beat advantage sa playoffs.
Ang iba pang kandidato para sa weekly honor ay sina Jio Jalalon at Mark Barroca ng Magnolia, Rain or Shine’s Andrei Caracut, Rey Nambatac, at Beau Belga, Meralco’s Allein Maliksi, at Fran Yu, ang rookie teammate ni Tolentino sa NorthPort.