TOLENTINO PSA EXECUTIVE OF THE YEAR

SA PAGGABAY sa Philippine sports sa mataas na antas ng tagumpay noong 2022, ang head ng Olympic governing body ng bansa ay kabilang sa mga pararangalan sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night.

Muling tatanggapin ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang Executive of the Year award mula sa pinakamatandang media organization sa bansa na idaraos ang traditional gala night nito sa March 6 sa grand ballroom ng Diamond Hotel.

Si Tolentino ay kikilalanin sa pagiging leading force sa pagtulong sa Philippine sports na maipagpatuloy ang malaking tagumpay na natamo nito noong 2021 nang maisagawa ng bansa ang pinakamatagumpay na Olympic campaign sa kasaysayan.

Sa katatapos na taon ay muling nakamit ng Philippine sports ang mataas na antas ng tagumpay sa likod ng golden treble ni Hidilyn Diaz sa 88th IWF World Weightlifting Championships, Alex Eala na naging unang Filipino player na nagwagi ng junior singles grand slam crown sa 142nd US Open, pagkopo ng women’s football team ng kauna-unahang puwesto sa FIFA Women’s World Cup at pagwawagi sa ASEAN Women’s Championship, pag-angat ni EJ Obiena sa pagiging world no. 3 pole vaulter matapos ang makasaysayang bronze medal finish sa World Athletics Championship, at pagsikwat ni gymnast Caloy Yulo ng tatlong golds sa Asian Artistic Gymnastics Championships at silver at bronze sa World Championships.

Nariyan din sina karateka Junna Tsukii na nanalo ng gold sa World Games, Carlo Paalam na nag-uwi ng gold sa Asian Boxing Championships, billiards team nina Rubilen Amit, Carlo Biado, at Johann Chua na naghari sa World 10-Ball Teams Championships, Meggie Ochoa ar Kimberly Anne Custodio na dinomina rin ang Jiu-Jitsu World Championships, at ang Team Philippines na tumapos sa fighting fourth sa 31st Southeast Asian Games sa kabila ng kahirapan sa training at campaigning sa gitna ng pandemya.

Kasalukuyang mayor din ng Tagaytay City at presidente ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling), si Tolentino ay ginawaran din ng kaparehong award noong nakaraang taon kasunod ng memorable moment ng bansa sa Tokyo Olympiad kung saan nasungkit ni Diaz ang kauna-unahang Olympic gold ng bansa.

Tulad ni Tolentino, si Diaz ay kikilalanin din bilang PSA Athlete of the Year sa ikalawang sunod na taon sa formal event na itinataguyod ng Philippine Sports Commission at Cignal TV, at suportado ng POC, Mayor Tolentino, MILO, Smart, MVP Sports Foundation, Rain or Shine, 1Pacman Rep. Mikee Romero, Philippine Basketball Association, OKBet, at ICTSI.