TOLENTINO SA MGA EMPLOYER: WORKERS TIYAKING LIGTAS

FRANCIS TOLENTINO

SA PAGSIGWADA ng milyon-milyong trabaho sa ilalim ng ‘Build Build Build’ program ng gobyerno, muling iginiit ng da­ting Presidential Adviser for Political Affairs at pambatong senato­riable ng administrasyon na si Francis ‘Tol’ Tolentino ang pagtutok ng gobyerno sa kaligtasan ng mga manggagawa upang matiyak na hindi sila malalagay sa bingit ng disgrasya sa trabaho.

“Dapat kaakibat ng pagpapadami ng gob­yerno ng pagkakataon sa trabaho ay ang mga hakbang upang magarantiya natin ang pagsunod sa mga batayang pangkaligtasan ng mga manggagawa. Matapos lagdaan ng Pangulo noong Agosto ang Occupational Safety and Health Standards law, kailangan nating siguruhin na tumatalima ang lahat dito,” ayon kay Tolentino na isa ring abogado.

Ang Republic Act 11058, o mas kilala bilang Occupational Safety and Health Standards (OSHS) law, na nilagdaan ng Pangulo noong ika-17 ng Agosto 2018 ay nagpapataw ng kaparusahan sa mga lalabag dito.

Kailangan ng mga employer na tiyakin na ligtas ang mga kaparaanan sa trabaho at ipaalam sa mga manggagawa ang anumang banta sa kanilang kaligtasan sa kanilang paggampan sa kanilang mga tungkulin. Dapat ding magbigay ang mga ito ng sapat na kagamitang pangkaligtasan na pasado sa Department of Labor and Employment (DOLE), at isailalim ang mga ito sa pagsasanay sa OSHS. Ang employer na mapatutunayang may paglabag sa anumang probisyon nito ay pagmumultahin ng P100,000 sa kada araw ng hindi pagsunod sa mga probisyon ng batas.

Nagpahayag din ang dating chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na kailangang magdoble-kayod ang DOLE sa pagsiguro na maayos ang kondisyon ng mga pagawaan at construction site dahil ang bulto ng trabaho sa ‘Build Build Build’ Program ng gobyerno ay nasa sektor ng construction.

“Sa pagdami ng trabaho sa construction, lumalaki rin ang peligro sa ating mga manggagawa; kaya dapat bigyan ng diin ang pagtitiyak na sumusunod ang lahat sa itinatakda ng batas upang maiwasan ang disgrasya,” ayon kay Tolentino.

“’Wag nating hintayin na magkaaberya. Gamitin natin ang batas upang makaiwas sa aksidente sa trabaho, hindi lang ang pagpapataw ng kaparusahan sa mga sadyang lumalabag sa batas at mga batayang pangkaligtasan.”

Tumataas na ang paglago ng trabaho sa sektor ng construction mula 8.5% noong October 2017 hanggang sa 9.5% noong 2018, samantalang lumago naman ang trabaho sa mga paktorya at pagawaan mula 8.7% sa 8.9%. Ito ay katumbas ng  328,000 bagong mga trabaho sa construction at 144,000 naman sa manufacturing subsector.

Tinatayang aabot sa 3 milyong mga trabaho ang malilikha sa construction sector hanggang dumating ang taong 2030 o katumbas ng humigit-kumulang 250,000 karagdagang trabaho kada taon.

“Magandang balita man ito,” ayon kay Tolentino, “hindi nagtatapos ang ating obligas­yon sa mga ­manggagawa sa pagbibigay lamang sa kanila ng trabaho. Kasama sa ating responsibilidad ang pagtiyak na sila’y ligtas at malusog sa kanilang mga trabaho.”

Comments are closed.