INAPRUBAHAN na ng Toll Regula tory Board (TRB) ang pagtataas sa toll fee sa Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX), ayon sa operator North Lu zon Expressway (NLEX) Corporation.
Sinabi ng NLEX Corp. na pinayagan ng TRB ang pagpapatupad ng dagdag na P0.78 per kilometer para sa mga motorista na dumadaan sa SCTEX.
Epektibo ang dagdag-singil sa Hunyo 1, 2022.
Sa ilalim ng bagong toll matrix, ang mga motorista na may Class 1 vehicles na bibiyahe mula Mabalacat City hanggang Tarlac ay magbabayad ng karagdagang P31.00.
Ang Class 2 vehicles na bibiyahe sa parehong ruta ay may dagdag-bayad na P61.00 habang ang Class 3 vehicles ay P92.00.
Samantala, karagdagang P49.00, P98.00, at P147.00 ang sisingilin sa Class 1, 2, at 3 vehicles, ayon sa pagkakasunod-sunod, na bibiyahe sa pagitan ng Mabalacat City at Tipo, Hermosa, Bataan na malapit sa Subic Freeport.
Ayon sa NLEX Corp., ang toll fee hike ay sumunod sa regulatory procedures at sumailalim sa masusing pag-aaral.
“To support the public utility buses (PUBs) cope with the adjustment, they will be provided toll subsidies and allow them to continue to enjoy the old rates for the next three months,” pahayag ng kompanya.