(Tone-tonelada itinatapon na lamang ) OVERSUPPLY NG TAMBAN

NASASAYANG na lamang ang tone- toneladang tamban na nahuhuli sa Bulan, Sorsogon dahil sa oversupply  makaraang tumigil na ang ilang pagawaan ng sardinas sa operasyon, gayundin ang pagawaan ng yelo.

Ayon sa mga mangingisda, iniiwan na lang mismo sa dalampasigan ng karagatan ang mga nahuhuling tamban habang ang iba naman ay inihuhulog muli sa tubig.

Kahit ibenta ng mura sa halagang P300 kada banyera na naglalaman ng halos lima hanggang 60 kilo  ay  hindi na ito nabibili dahil sa dami ng tamban sa lugar.

Ang iba ay ipinamimigay na lamang sa mga kapitbahay ng mga mangingisda. Humihingi naman ng tulong ang mga mangingisda sa pamahalaan upang huwag masayang ang mga nahuhuli nilang isda. Isa sa posibleng gawin ay ibenta na lamang ito sa mga gumagawa ng bagoong  para mapakinabangan.

Sa ngayon ay kumikilos ang Bureau of Fisheries and Acquatic Resources (BFAR) para may magawang proyekto para sa mga mangingisda, partikular sa Castilla, Sorsogon.

Ang mga patay na tamban ay makikitang nagpapalutang- lutang sa tubig.

Wala namang nangyaring fish kill. Ito ay bunga ng hinuli ng mga mangingisda na hindi na nabili kaya sa gilid na lamang ng karagatan itinapon.

Nabatid na bagsak-presyo ngayon ang tamban kung saan ay umaabot na lamang sa P80 ang kada kilo nito. Kaya ang mga hindi na naibebentang isda ay itinatapon na lang sa dagat.

Dahil dito ay napilitan na lamang umano ang mga mangingisda na tumigil sa pagpalaot para maiwasan ang patuloy na pagkalugi.

“Kung gustong tumulong sana matulungan kami ng gobyerno….kasi wala na kaming maibigay sa pamilya,” ang sabi ng mangingisdang si  Adrian Pamplona sa isang lokal na television noong  nakaraang linggo.

Sa Bulan, Sorsogon naman na may oversupply din ng tamban tatlong buwan bago ang pagsasara ng fishing season, banye-banyera ang tamban na iniwan sa Bulan Fishport Complex.

Ayon kay Clyde Caveron, Provincial Field Officer ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol, naiwasan ang oversupply ng tamban kung nakinig ang mga mangingisda sa anunsiyo ng Fisheries Development Authority (FDA) na limitahan ang paghuli tuwing nag- aabiso ang mga fish broker na kaunti lamang ang bibilhin nila.

Pakiusap naman ng pamahalaan sa mga mangingisda, kontrolin ang panghuhuli ng isda. Sakaling hindi na maibenta ang huli ay huwag na munang  magpalaot kaysa masayang.

Samantala, para mapakinabangan ang mga tamban, ilang  opisyal naman sa katabing bayan ang bumibili ng isda at ipinamamahagi sa sa mga residente.

MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA