TONE-TONELADANG GULAY ILULUWAS SA METRO MULA SA CAVITE

Gulay

TINATAYANG nasa pitong toneladang gulay, root crops, at value-added products mula sa lalawigan ng Cavite ang iniluluwas ng Yakap at Halik Multi-Purpose Cooperative (MPC) sa iba’t ibang pamilihan/tindahan, restawran, at lungsod sa Metro Manila, kabilang ang Muntinlupa, Taguig, Parañaque, Quezon City at Maynila, dalawa hanggang tatlong beses kada linggo.

Nasa 55 hanggang 60 pamilya ng mga organikong magsasaka, na mga miyembro ng kooperatiba, ang direktang kabahagi sa pagsasama-sama at pagbiyahe ng kanilang mga ani mula sa sarili nilang technology-demonstration/communal/cluster farm.

Ayon sa chairperson ng kooperatiba na si G. Gabriel Arubio, ang kanilang mga miyembro ay patuloy na nagtutulungan sa pamamagitan ng proyektong KAtuwang sa DIwa at GaWA (KADIWA) ni Ani at Kita ng Kagawaran ng Pagsasaka upang matiyak na ang kanilang mga produkto ay madaling makararating sa mga tao o direktang maiuugnay sa mga konsyumer o mamimili.

“Ngayong panahon ng pandemya, makakaasa po kayo na ang Yakap at Halik MPC ay katuwang ng Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON sa patuloy na produksiyon at suplay ng sapat, sariwa, ligtas, at abot-kayang pagkain para sa ating mga mamamayan lalo na sa Metro Manila. Maraming salamat po sa DA sa inyong patuloy na suporta sa aming kooperatiba. At sa lahat ng mga magsasaka, mabuhay po kayo at pagpalain nawa ng Panginoon!,” sabi  ni Arubio.

Ang Yakap at Halik MPC ay nagsusuplay rin ng kanilang mga ani at produkto sa ilang marketing and distribution companies sa bansa.

Comments are closed.