TONE-TONELADANG HOT MEAT IIMBESTIGAHAN NG DA

Frozen Meat

INIIMBESTIGAHAN  ng Department of Agriculture at maging ng Bureau of Customs ang nadiskubreng pagpupuslit ng tone-toneladang hot meat o frozen meat na nagmula sa China.

Tinatayang nasa 12,000 kilo ng imported frozen meat ang nakumpiska sa Navotas nitong  Miyerkoles na kinabibilangan ng black chicken, duck liver, at Peking duck, na inutos ng DA na i-ban ang pagpasok sa bansa dahil sa banta ng  avian flu virus at African swine flu.

Nabatid na nasundan ng mga awtoridad ang bodegang pinagdalhan ng mga puslit na imported meat sa Navotas.

Nitong Biyernes ng madaling araw ay nasabat naman ng mga tauhan ng Manila’s Special Mayor’s Reaction Team ang may sampung toneladang hotmeat na lulan ng mga sasakyan kung saan isa rito ay kapareho ng sasakyan sa nadiskubreng warehouse sa Navotas.

Ayon kay BOC  Spokesperson and Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, “Titingnan po namin iyong proseso namin at sino iyong mga tao namin na nagkamali d’yan, pero magjo-joint investigation din po kami sa Department of Agriculture kasi nga ho joint din iyong aming usual inspection.”

Sinasabing nakatakdang dalhin ang nasabat na frozen meat sa isang warehouse sa Tondo.

Magugunitang sinalakay ng mga tauhan ng Manila City Hall ang isang bodega sa Tondo at nahulihan ito ng may P20 milyong halaga ng smug-gled frozen meat bagamat hindi malinaw kung saan dinala ang tone-toneladang imported meat.

Tinatayang nasa P10 milyon ang  halaga ng kahong kahon ng hinihinalang karne mula China ang nasabat Special Mayor’s Reaction Team sa isang warehouse sa Balut, Tondo.

Laman ng mga ito ang nasa higit 10 toneladang duck meat at mga sausage.

Walang dokumento ang mga naturang kargamento na nagsasaad kung saan galing ang mga ito. Pero nakasulat sa Chinese characters ang tatak ng mga kahon at packaging.

“May tip na nakuha galing sa isang siyudad. Pumasok ng Maynila. Sinundan nila nakita nila ‘yong warehouse,”pahayag ni  Manila Mayor Isko Moreno.

Beberipikahin ng lokal na pamahalaan ang pagkakakilanlan ng itinuturong may-ari ng warehouse sa Tondo. Inaalam din kung ito  ang may ari na nahulihan ng 20 toneladang imported hot meat na hindi nalaman kung saan talaga itinapon. VERLIN RUIZ