MAINIT na naman ang summer na hinaluan pa ng El Niño sa Filipinas. Ngunit ‘di ito alintana ng mga tunay na startup warriors na patuloy ang pag-hustle sa kanilang mga ideya.
Ikaw ba ay may startup o nagbabalak pa lamang? Inipon ko ang 10 mainit na tips na magagamit mo ngayon kung ikaw ay mag-pi-pitch pa lang sa mga imbestor.
#1 TARGET NA KOSTUMER AT MERKADO
Kilalanin ang mga magiging imbestor mo na iyong lalapitan. Mahalaga na alam mong may laban ang yong pitch sa kanila. Kung sa bangko ka mangungutang, ang tinitingnan lang nila ay ang numero. Walang pusong nakakabit sa desisyon sa bangko.
Pero kung venture capitalist ang kausap mo at may kinalaman sa negosyo nila ang startup mo, iba ang pagtingin nila sa pitch mo.
#2 PAGSALIKSIK SA MERKADO
Bukod sa pag-alam ng mga bagay ukol sa iyong produkto at serbisyo, alaming mabuti ang iyong merkado. Lahat ng gagawin mo mula rito ay susunod na lamang. Siguraduhing masinsin ka sa bagay na ito dahil ang mga imbestor ay ganoon din.
#3 KUMPETISYON
Isa sa mga pinakamahalagang tanong ng mga imbestor o partner ay ang kumpetitsyon. Madalas kasi, sinasabi ng mga startup na orig sila at walang kalaban. ‘Di po ito lubos na totoo para sa mga imbestor. Kaya saliksiking mabuti ang bagay na ito at alamin ang pagkakaiba mo sa mga kakumpitensiya, at paano ka nakalalamang.
#4 DETALYE NG PLANO
Kung natapos mo na ang iyong business plan, siguraduhing madetalye ito. Ang pagiging masinop sa detalye ay isa sa hanap ng mga imbestor. Laging balikan ang plano mo bago ka mag-prisinta sa imbestor.
#5 TAMANG KOMPANYA AT PARTNER
Sa una pa lang, alamin ang hugis at istruktura ng iyong itinatayong kompanya. Kung startup ka pa lang, saliksikin ang pagtatayo ng BMBE (Barangay Micro Business Enterprise) dahil sa mga incentive nito.
#6 IMPORMASYONG PINANSIYAL
Kumusta naman ang mga numero mo? Tama ba ang mga projection mo? ‘Yan ang palaging sinisilip ng mga imbestor ng mga startup. Kung mahina ka sa numero, humingi ka ng tulong. Maaaring sa una any may general explanation ka ng figures mo. Pero dapat, marunong ka man lang mag-Microsoft Excel para ma-impress ang imbestor sa lawak ng mga numerong nasa harapan niya.
#7 DETALYE
Balikang muli ang mga detalye ng iyong business plan. Tingnan din ang detalye ng iyong produkto o serbisyo na baka may na-kaligtaan ka. Ang pagiging masinop sa detalye ang hinahanap ng mga imbestor.
#8 BUOD NG PLANO
Sa unang parte ng isang business plan ay ay may Buod o Executive Summary. Dito pa lang ay makikita na ng imbestor mo kung maayos ang pagkakaalam mo sa pini-pitch sa kanya. Ayusin mo itong parte na ito dahil make or break ka rito pa langs a umpisa.
#9 PANGALAWANG OPINYON
Bago ka humarap sa imbestor, ipakita ko muna sa ibang tao ang iyong pitch o plano. Mas makabubuti ito para maagapan ang mga katanungang maaaring lumabas at mapaghandaan ang mga ito.
#10 IMPLEMENTASYON
Ang execution ang pinakamahalagang parte ng negosyo o startup mo. Kung mahina ka sa execution o implementasyon ng mga plano, alam ito ng imbestor. Maging masinop. ‘Wag papakasiguro lagi.
o0o
Si Homer Nievera ay isang digital evangelist at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Inter-net at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa [email protected].
Comments are closed.