TOP 2 MOST WANTED SA MARILAO NASILO

arestado

BULACAN – ISANG murder suspect na top 2 most wanted person (MWP) ng Marilao Municipal Station (MPS) at nagtago ng mahigit dalawang taon dahil walang piyansa ang kanyang kaso ang nadakip sa manhunt operation makaraang silbihan ng warrant of arrest sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. Loma de Gato, Marilao.

Base sa report kay P/Col. Lawrence B. Cajipe, Acting Provincial Director ng Bulacan-PNP, nakilala ang suspek na si Danny Icleo alyas Danny Putol, na ranked number 4 din sa most wanted person ng Marilao-PNP Lambat Sibat Target III at nakakulong na ngayon nang makorner ng awtoridad sa kanyang tinitirhan matapos na bumalik sa matagal na pagtatago nito.

Nabatid na nagsagawa ng manhunt operation ang Marilao-PNP sa ilalim ng overall supervision ni PLt.Col. Amado Mendoza Jr. makaraang makatanggap ng impormasyon na positibo sa Looban 2, Barangay Loma de Gato ang suspek na si Icleo kaya agad nila itong hinainan ng warrant of arrest at hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin ng awtoridad.

Napag-alaman na ang suspek na si Icleo ay sangkot sa pamamaril sa Gumafelix compound, Looban 2, Barangay Loma de Gato, Marilao at kanilang napatay ang biktimang si Joseph Tumbaga sa insidenteng naganap noong Disyembre 31, 2018 bandang alas-2:30 ng madaling araw at mula noon ay nagtago na hanggang sa makorner ito ng Marilao-PNP nang muling bumalik sa kanyang tirahan matapos ang mahigit dalawang taon. MARIVIC RAGUDOS/THONY ARCENAL

2 thoughts on “TOP 2 MOST WANTED SA MARILAO NASILO”

Comments are closed.