INILABAS ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang listahan na naglalaman ng mga pangalan ng top 20 mga kompanya sa bansa na hinihinalang sangkot sa “labor-only contracting”.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, mula noong Hunyo 2016, umaabot na sa 99,526 mula sa mahigit 900,000 na mga negosyo o kompanya sa bansa ang nainspeksiyon ng DOLE.
Sa nasabing bilang ng mga nabisita at nainspeksiyon ng DOLE ay 3,377 ang hinihinalang sangkot sa labor-only contracting bilang pamamaraan ng pag-hire ng kanilang mga empleyado.
Kasama sa top 20 ng mga kompanyang hinihinalang sangkot sa labor-only contracting ang malalaking kompanya na Jollibee Food Corporation at PLDT.
Nangunguna sa listahan ang Jollibee kung saan aabot sa 14,960 na mga manggagawa ang apektado. Pumapangalawa naman sa listahan ang Dole Philippines na mayroong affected workers na 10,521 at ikatlo ang PLDT na nasa 8,310 naman ang apektadong empleyado.
Ang iba pang kompanya na nasa top 20 ay ang mga sumusunod:
Philsaga Mining Coporation, General Tuna Corporation, Sumi Philippines Wiring Systems Corporation, Franklin Baker Inc., Pilipinas Kyohritsu Inc., Furukawa Automotive Systems Philippines Inc., Magnolia Inc., KCC Property Holdings, Inc., Sumifru Philippines Corp., Hinatuan Mining Corp., KCC Mall De Zamboanga, Brother Industries Philippines Inc., Philippine Airlines & PAL Express, Nidec Precision Philippines Corporation, Peter Paul Philippines Corporation, Dolefil Upper Valley Operations at DOLE-Stanfilco.
Ayon kay Bello, hindi kasama sa listahan ang SM dahil nagpatupad na ito ng voluntary regularization program kung saan aabot sa 10,000 empleyado nito ang mare-regular na ngayong taon.
Hanggang nito namang Mayo 11, 2018, sinabi ni Bello na aabot na sa 176,286 na mga manggagawa ang naregular sa trabaho dahil sa pinaigting na kampanya sa labor enforcement system ng DOLE. ANA ROSARIO HERNANDEZ/ VERLIN RUIZ
Comments are closed.