KULUNGAN ang binagsakan ng isang lalaki na wanted sa kasong pagpatay matapos masakote ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon CPS hinggil sa kinaroroonan ng 45-anyos na akusado na nasa top 3 most wanted person ng lungsod.
Agad bumuo ng team ang WSS, kasama ang Hulong Duhat Sub-Station 7 saka ikinasa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong ala-1:00 ng hapon sa Gen. Luna at Ilang-Ilang Sts., Barangay Baritan.
Ayon kay Col. Baybayan, pinosasan ng kanyang mga tauhan ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Misael Madelo Lagada ng Regional Trial Court 292, Malabon City, noong September 24, 2024, para sa kasong Murder.
Pansamantalang nakapiit sa custodial facility unit ng Malabon CPS ang akusado habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
EVELYN GARCIA