PARA pigilan ay niyakap ni Dominic Fajardo ng NLEX si Inand Fomilos ng Converge sa kanilang laro sa PBA Commissioner’s Cup noong Miyerkoles sa Araneta Coliseum. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4 p.m. – San Miguel vs Blackwater
8 p.m. – Meralco vs Terrafirna
TARGET ng San Miguel Beer ang isang puwesto sa Top 4 sa pagsagupa sa Blackwater sa kanilang huling laro sa PBA Commissioner’s Cup eliminations ngayong Biyernes sa Araneta Coliseum.
Ang ika-5 sunod na panalo ng Beermen sa 4 p.m. encounter ay magbibigay sa kanila ng 8-3 kartada sa pagtatapos ng eliminations, na sapat para sa third-running spot at twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Maaaring makatabla ng SMB ang Phoenix Super LPG, Barangay Ginebra at Meralco sa naturang puwesto subalit makukuha pa rin ng una ang No. 3 spot o mas mataas pa dahil sa mas mataas na higher quotient makaraang gapiin ang lahat ng nasabing koponan.
Gayunman, ang pagkatalo ng Beermen, na sasamahan ng walong panalo ng mga katunggali, ay maglalagay sa kanila sa ika-5 puwesto.
Subalit malabong maputol ng Blackwater ang nine-game slide at tapusin ang elims na may 2-9 kartada dahil sa lakas ng lineup ng SMB.
In-activate noong nakaraang linggo, si June Mar Fajardo ay nakatakdang magbalik-aksiyon ngayong Biyernes makaraang lumiban sa huling anim na laro ng Beermen dahil sa left-hand injury na kanyang natamo noong nakaraang Nov. 29.
Ang pagbabalik ng seven-time MVP ay napapanahon dahil sasalang ang Beermen na wala si Rodney Brondial, na nagtamo ng left ankle sprain sa 132-110 blowout win kontra Terrafirma noong nakaraang Linggo.
“If Rodney rests his foot and June Mar comes in, that’s very good for our team. At least June Mar is coming back,” sabi ni SMB coach Jorge Gallent.
Magiging alalahanin din ng Blackwater at ng mga susunod na makakalaban ng San Miguel si replacement import Bennie Boatwright.
Ang humalili kay original reinforcement Ivan Aska ay nagbuhos ng career-high 51 points sa kanyang ikalawang laro pa lamang para sa Beermen para pamunuan ang koponan kontra Dyip.
Sa malaking improvement mula sa kanyang debut game, nang umiskor siya ng 26 points subalit bumuslo lamang ng 9-of-26 mula sa floor, ang 27-year-old na si Boatwright ay kumana ng 19 of 31, kabilang ang 7-of-13 mula sa tres, at nagdagdag ng 12 rebounds, 3 assists at 2 blocks.
“I’m excited to be here. I’m hearing all about the tradition. This team has a lot of accolades over the past years and I’m glad to be a part of it and make a run in the playoffs,” sabi ni Boatwright.
Sa ikalawang laro sa alas-8 ng gabi ay maghaharap ang Meralco at Terrafirma.
Kailangang manalo ng tropa ni coach Luigi Trillo kontra Dyip para manatili sa kontensiyon para sa Top 4 finish.
At ang panalo ay posibleng hindi sapat.
Malaki ang posibilidad na magkaroon ng logjam mula No. 3 hanggang No. 5 at maging No. 2 hanggang No. 5. At sa mga scenario na ito, ang Bolts ay magtatapos sa No. 5 dahil sa inferior quotient.
Ang daan patungo sa Top 4 para sa Bolts ay magkakaroon lamang ng linaw kapag tinalo nila ang Dyip at matalo ang Beermen o Gin Kings sa kanilang huling elims assignment.
CLYDE MARIANO