Mga laro ngayon:
Araneta Coliseum
3 p.m. – Phoenix vs Meralco
6 p.m. – NorthPort vs TNT
SASAKAY ang TNT sa momentum ng four-game streak habang ang NorthPort ay may five-game romp sa kanilang paghaharap sa pagtatapos ng PBA Governors’ Cup elims sa Araneta Coliseum ngayong Biyernes.
Magsasalpukan ang dalawang koponan sa alas-6 ng gabi kung saan target ng Tropang Giga ang isang automatic Top Four spot at twice-to-beat advantage sa quarterfinals, habang puntirya ng Batang Pier ang playoffs.
Masalimuot ang standings dahil ang TNT at NorthPort ay nakadikit sa pitong koponan — San Miguel sa 7-4, TNT at Meralco sa 6-4, Barangay Ginebra at Alaska sa 6-5 at NorthPort at Phoenix Super LPG sa 5-5 — na naglalaban-laban sa No. 3 hanggang No. 8 places.
May posibilidad na anim na koponan ang tumapos na tabla sa fourth place sa 6-5 kapag nagwagi ang NorthPort laban sa TNT at manaig ang Phoenix kontra Meralco sa huling araw ng elims.
Maiiwasan ng Tropang Giga ang scenario ng kumplikadong logjam sa panalo na magbibigay pa sa kanila ng No. 3 seed sa playoffs sa likod ng Magnolia at NLEX.
“The way we look at it is it’s a test of how well we’ll do in the playoffs. If we get through this schedule, the good thing is it’s going to prepare us for the playoffs; the bad thing is, it might not get us to the playoffs because of how tough that schedule is,” sabi ni TNT coach Chot Reyes.
“We’re just fortunate to have this opportunity to win a game on Friday that will get us a twice-to-beat advantage. But we’re not looking past NorthPort at all, in the same manner that we didn’t look past Terrafirma (Wednesday),” dagdag pa niya.
Krusyal din ang sagupaan ng Meralco at Phoenix Super LPG sa unang laro sa alas-3 ng hapon.
Puntirya ng Bolts ang panalo na maglalagay sa kanila sa top four kasama ang Magnolia at NLEX.
Kung mananalo ang Meralco at matatalo ang TNT sa NorthPort, ang Bolts ay aakyat sa No. 4 spot na may kaakibat na twice-to-win advantage sa susunod na round.
Kapag kapwa naman namayani ang Bolts at Tropang Giga, makukuha nila ang huling dalawang slots sa top four.
Gayunman, ang pagkatalo ng Meralco na susundan ng panalo ng TNT ay maghuhulog sa Bolts sa No. 6. CLYDE MARIANO