Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4 p.m. – NLEX vs Blackwater
8 p.m. – Ginebra vs Meralco
NASA homestretch na ang karera sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals, at ang Meralco at Barangay Ginebra ay dalawang pangunahing contenders na magbabakbakan ngayong Biyernes para isulong ang kani-kanilang kampanya.
Pasok na sa Last Eight sa 6-1, sisikapin ni coach Luigi Trillo at ng kanyang Bolts na maipagpatuloy ang run tungo sa Top 4 finish na may kaakibat na twice-to-beat bonus.
Si coach Tim Cone at ang kanyang Gin Kings ay Top 4 contenders din sa 4-3.
Subalit kailangan muna ni Tony Bishop at ng kanyang teammates na putulin ang kanilang two-game skid at kunin ang isang ticket sa quarters.
Ang Kings ay nasa No. 5 sa likod ng Magnolia Hotshots (8-1), Phoenix Super LPG Fuel Masters (7-1), Bolts at San Miguel Beermen (5-3).
Nakabuntot sa Kings ang NorthPort Batang Pier (5-4), TNT Tropang Giga (4-4) at ang Rain or Shine Elasto Painters (3-5).
At isang virtual playoff match ang paghaharap ng Bolts at Kings sa alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Isa itong kapana-panabik na duelo sa pagitan ng longtime foes, kung saan makakasagupa ng Meralco si dating import Bishop.
Subalit nagkaroon ng bagong lakas ang Meralco sa katauhan ni Zach Lofton, isang dating Detroit Piston na nagbigay sa Bolts ng dagdag na lakas hindi lamang sa kanilang PBA bid kundi pati sa kanilang East Asia Super League campaign.
Si Lofton at ang Bolts ay nasa run at haharapin ang Ginebra side na galing sa back-to-back losses sa Phoenix (82-77) at San Miguel (95-82).
Samantala, higit pa sa pagputol sa kanilang slide ang pangunahing layunin kapwa ng NLEX at Blackwater sa kanilang salpukan sa unang laro sa alas-4 ng hapon.
Magiging labanan ito para sa survival para sa Road Warriors at Bossing.
Ang four-game losing streak ay naglagay sa NLEX sa 2-6 at sa 10th place. Ang panalo kontra Bossing ay tiyak na bubuhay sa kampanya ng Road Warriors.
Nasa 11th spot naman sa 1-7 ang Blackwater matapos matalo ng pitong sunod. Ang isa pang talo ay magpapatalsik sa Bossing sa kontensiyon.
“As things stand now and depending on the results of the other games, a team still has a chance of at least playing off for a quarterfinal spot so long as it racks up at least four wins,” sabi ni league chief statistician Fidel Mangonon II.
“Kapag nag-eight losses na isang team, medyo malabo na iyon,” sabi ni Mangonon.
Kasalukuyang may 3-5 kartada, ang Rain or Shine ang may pinakamalaking tsansa sa huling quarterfinals berth.
CLYDE MARIANO