MAGSASAMA-SAMA ang top achievers ng 2018 sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards ngayong gabi sa Centennial Hall ng makasaysayang Manila Hotel.
Sina Olympian weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal, at golf trio nina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan, at Lois Kaye Go ang mga bida sa two-hour affair na handog ng MILO, Cignal TV, at ng Philippine Sports Commission (PSC) kung saan pagsasaluhan nila ang coveted Athlete of the Year honor na tradisyunal na ipinagkakaloob ng pinakamatandang media organization ng bansa.
Ang lahat ng limang kababaihang ito ang nagkaloob ng apat na gold medals na napanalunan ng bansa sa 18th Asian Games na idinaos sa Jakarta at Palembang, Indonesia noong nakaraang taon.
Ito ang ikalawang pagkakataon na ang 28-anyos na si Diaz, silver medallist sa 2016 Rio De Janeiro Olympics, ang tatanggap ng pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng Philippine sportswriting fraternity, habang sina Didal, Saso, Pagdanganan, at Go ay first time winners.
Sasamahan ng top sports officials, sa pangunguna nina PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez at Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas, ang PSA sa ilalim ni President Eduardo ‘Dodo’ Catacutan ng SPIN.ph. sa pagbibigay-pugay sa iba’t ibang personalities at entities na nagbigay ng karangalan sa bansa noong nakaraang taon.
Si Olympian at multi-titled gymnast at taekwondo jin Bea Lucero-Lhuillier ang special guest of honor at speaker sa gala night na suportado rin ng Philippine Basketball Association, Mighty Sports, Rain or Shine, Chooks To Go, NorthPort, Tapa King, at SM Prime Holdings.
Sina bowling great Olivia ‘Bong’ Coo at cycling legend Paquito Rivas ang tatanggap ng Lifetime Achievement Award, ang National Golf Association of the Philippines (NGAP) ang napiling National Sports Association of the Year, si Enrique Razon Jr. ng ICTSI ang tatanggap ng Executive of the Year Award, habang ang undefeated reigning UAAP women’s basketball champion National University Lady Bulldogs ang recipient ng prestihiyosong President’s Award.
Igagawad din ang Special Awards tulad ng Mighty Sports Mr. Basketball (June Mar Fajardo), Mr and Ms Volleyball (Marck Espejo at Jaja Santiago), at Mr Football (Neil Etheridge), gayundin ang Mr Fan Favorite ‘Manok Ng Bayan’ Award (Kai Sotto), at Special Recognition on Sports Journalism (Lito Tacujan).
Sina Alexandra Eala at Daniel Quizon naman ang MILO Male at Female Athletes of the Year, habang ang Tony Siddayao Awardees ay kinabibilangan nina Jessel Lumapas, Micaela Jasmine Mojdeh, Marc Bryan Dula, at Czerrine Ramos.