TOP COLLECTORS SA BIR

Erick Balane Finance Insider

HINDI binigo ng mga key official ng Bureau of Internal Revenue si outgoing BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay na sungkitin ang kani-kanilang tax collection goal sa huling araw ng panunungkulan nito at tuloy-tuloy na ipinamalas ang kanilang sipag sa pagkolekta ng buwis sa pag-upo ng kanyang kapalit na si Lilia Guillermo.

Bukas, Lunes, ang pormal na pag-turn over ni Dulay ng liderato kay Guillermo sa flag-raising ceremony sa main office ng BIR sa Diliman, Quezon City.

Isa sa mga suliraning kakaharapin ni Commissioner Guillermo ang pagbagsak ng tax collections ng Large Taxpayers Service (LTS) na siyang nag-iimbestiga sa 1st 5,000 big-time corporations sa bansa kung saan ang 60% ng kabuuang tax goal ay ito ang may mandatong kumolekta habang ang 40% collections ay mula naman sa regional at district levels na kung tawagin ay medium and small taxpayers sa bansa.

Ikinasiya ni Dulay ang ipinamalas na tax collection performance ng mga opisyal mula buwan ng Enero hanggang Hunyo 2022.

Sa datos ng Department of Finance, kabilang sa mga naka-goal sina Metro Manila BIR Regional Directors Gerry Dumayas (Caloocan), Edgar Tolentino (East NCR), Albino Galanza (Quezon City), Florante Aninag (Makati City), Joseph Catapia (South NCR) at Jethro Sabariaga (City of Manila).

Sa hanay ng Revenue District Officers, top notchers sina Antonio Mangubat, Jr. (East Bulacan), Jefferson Tabboga (West Bulacan), Timm Renomeron (Caloocan City), Elmer Carolino (Malabon/Navotas), Stimson Cureg (Valenzuela), Rodel Buenaobra (Novaliches), Arnulfo Galapia (North QC), Antonino Ilagan (South QC), Alma Celestial Cayabyab (Cubao), Cynthia Lobo (Mandaluyong), Abdullah Bandrang (Marikina), Mary Ann Canare (Cainta/Taytay), Thelma Mangio (San Juan), Deogracias Villar (Pasig), Rufo Ranario (East Makati), Behsheba Bautista (West Makati), Renato Mina (Taguig/Pateros), Emilia Combes (Tondo-San Nicolas) at Teresita Lumayag (Binondo).

Inaasahang magko-concentrate nang husto si Commissioner Guillermo sa bumabagsak na tax collections ng LTS.

Nagbitiw sa puwesto ang dating hepe ng LTS na si Assistant Commissioner Manuel Mapoy matapos na maapektuhan nang husto ang koleksiyon dahil sa pananalasa ng COVID-19 pandemic.

Bago bumaba sa puwesto si Dulay ay itinalaga nito bilang bagong chief ng LTS si Assistant Commissioner Maridur Rosario upang pag-inbayuhin ang koleksiyon sa large taxpayers service.

Si Rosario ang inaasahan ni Commissioner Guillermo na magpapataas sa koleksiyon ng LTS matapos maapektuhan ang tax collections sa excise tax mula sa alcohol, petroleum, tobacco. sweetened beverages, cosmetics at iba pang produkto sanhi ng pinsalang idinulot ng pandemya sa industriya ng turismo (airlines), pananalapi (banking), minings at mga produktong kinakaltasan ng excise taxes.

Kumpiyansa si newly-appointed DOF Secretary Benjamin Diokno na mapagaganda ni Commissioner Guillermo ang takbo ng koleksiyon sa LTS, maging sa regional at district levels upang makuha ang tax goal ngayong 2022 fiscal year.

Bagama’t pinaniniwalaang nabawasan na ang korupsiyon sa BIR buhat ng umupong commissioner si Dulay, tiniyak ni Guillermo na wawakasan niya ang graft and corruptions sa Kawanihan, alinsunod sa utos sa kanya nina Presidente Bongbong Marcos at Secretary Diokno.

Ang paglilinis ng korupsiyon sa BIR ay isa sa dahilan kung bakit itinalaga ni Pangulong Marcos sa nasabing tanggapan si Guillermo.

Ang tax collection goal ng BIR ngayong 2022 fiscal year ay P3.312 trilyon, mas mataas ng 12.49% kumpara sa tax goal ng 2021.

Makakatulong ni Guillermo sa pamamahala sa BIR si newly-appointed BIR Deputy Commissioner for Operations Romeo Lumagui, Jr. na isa ring tax expert.

Si DepCom Lumagui na dating chief ng Regional Investigation Division (RID) ng East NCR ay nagbitiw sa puwesto bago pa mag-eleksiyon at ninombrahan ni Pangulong Marcos, kahalili ni dating Revenue DepCom Arnel Guballa.

Hindi umano prayoridad ni Guillermo ang pagsasagawa ng balasahan sa BIR, bagkus ay nais niyang makita muna ang tax collection performance ng mga nakapuwestong key officials kung marapat silang manatili o palitan sa puwesto.

o0o

(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag- mail sa [email protected].