INAASAHANG muling magpapasiklab si Philippine Tennis Academy player Stefi Marithe Aludo sa President’s Cup Masters na hahataw sa Jan. 6-12 sa Rizal Memorial Tennis Center.
Sisimulan ng torneo, na idaraos bilang pagpupugay kay Philippine Tennis Association (Philta) president, Mayor Eric Olivarez, ang 2025 season ng Palawan Pawnshop National Tennis Championships.
Si Aludo, nagwagi ng doubles title katambal si Tennielle Madis sa Cola Cola Philta International Juniors 2 noong nakaraang Dec. 8, ay nasa Group B ng girls U18 category kasama sina Sandra Bautista, Daveaine Therese Gauran at Ma. Sophia Justine Moreno.
Ang Group A ay kinabibilangan nina Dhea Angelica Cua, Avegail Joy Ansay, Sanschena Francisco at Shiloh Louisa Cruz.
Ang iba pang categories ay ang girls U16, U14 at U12; boys U18, U16, U14 at U12; atunisex U10.
Ang walong players ay hahatiin sa dalawang grupo base sa seedings.
Sasabak sa boys’ U18 sina Frank Nhiele Dilao, Kian John Sanchez, Antonio Ng Jr. at Sean Andrei Esick sa Group A, at Bench Neri, France Vhiele Dilao, Stephen Fuertes at Al John Rombawa sa Group B.
Lalahok sa boys U16 sina Lexious Gabriel Cruz, Shaun Apoll Globasa, Peter Rafael Bandala at Julio Inigo Naredo sa Group A, habang sina Al Tristan Licayan, Gavin Kraut, Rain Ninal at Troan John David Vytiaco ay nasa Group B.
Ang champions ay tatanggap ng tig-120 Philta points at tropeo.