TOP SEED ANG SQUIRES

NAKOPO ng Letran ang No. 1 ranking sa Final Four matapos ang 85-67 pagbasura sa Mapua sa pagtatapos ng NCAA juniors basketball eliminations kahapon sa San Andres Sports Complex.

Tumipa sina Jovel Baliling at Timothy Cruz ng tig-15 points para sa Squires na naitala ang ika-8 panalo sa siyam na laro, habang binigo ang Red Robins sa kampanya nito na tumapos bilang top-ranked team sa maikling single-round elims.

Maghihintay pa ang Letran sa kanilang magiging Final Four opponent.

Ginapi ng defending champion San Beda ang Emilio Aguinaldo College, 94-74, upang maipuwersa ang four-way logjam sa 6-3 kasama ang La Salle Green Hills, Mapua at San Sebastian.

Nakakuha ang Greenies ng puwesto sa Final Four via 98-74 win kontra Staglets.

Sa kabila ng pagkatalo, ang Red Robins ay nakapasok din sa Final Four.

Sa bisa ng superior quotient, umabante ang LSGH at Mapua, at naiwan ang San Beda at San Sebastian sa pag-aagawan sa huling Final Four spot.

Ang magwawagi sa Red Cubs-Staglets do-or-die match ay makakaharap ng Red Robins sa isa pang playoff, kung saan ang matatalo ay babagsak sa No. 4 spot.

Ang final playoff at sa pagitan ng Greenies, Red Cubs, Staglets o Red Robins, sa pagkakataong ito para sa No. 2 at 3 rankings sa Final Four.

Nagbuhos si Luis Pablo ng 24 points, 14 rebounds at 4 assists habang nag-ambag si James Ison ng 21 points, 5 assists, 4 boards at 2 steals para sa LSGH na nakabawi mula sa pagkatalo sa Letran noong Biyernes na tumapos sa kanilang five-game winning streak.