TOP SPORTS ACHIEVERS PARARANGALAN NG PSA

PSA

SA pagbibigay ng karangalan sa bansa noong 2019, bibigyang pugay ang top sports achievers sa annual Awards Nights ng Philippine Sportswri­ters Association (PSA) sa unang linggo ng Marso sa Manila Hotel.

Tampok sa taunang okasyon ang pagkilala sa Athlete of the Year.

Gumawa ng ingay ang mga atletang Pinoy noong 2019, mula sa Southeast Asia hanggang sa world stage.

Nabawi ng Team Philippines ang overall championship sa Southeast Asian Games, habang si Carlos Yulo ang naging unang Pinoy at unang South-east Asian gymnast na nanalo ng gold medal sa Artistic Gymnastics World Championships na idinaos noong nakaraang taon sa Stuttgart, Germany.

Nagwagi si Nesthy Petecio ng gold medal nang madominahan niya ang featherweight division ng AIBA Women’s World Boxing Championships sa Ulan-Ude Russia, at si EJ Obiena ang naging unang Pinoy na nagkuwalipika sa 2020 Tokyo Olympics nang malagpasan ang  qualifying standard sa men’s pole vault.

Inaasahang pangu­ngunahan ng sports heroes at heroines na ito ang iba’t ibang personalities at entities na pararangalan sa special night.

Bukod sa Athlete of the Year award, igagawad din ang President’s Award,  National Sports Association of the Year award, Executive of the Year, Ms. Basketball, Mr. Volleyball, Ms. Golf, Mr. Football, at ang kauna-unahang Coach of the Year award.

Tulad sa mga nakalipas na awards night, magkakaroon din ng major awards, Lifetime Achievement Award, Tony Siddayao Awards, Milo Junior Athletes Award, at citations na pangungunahan ng SEA Games gold medal winners.

Ang sports personalities na pumanaw noong nakaraang taon ay gagawaran ng posthumous ­recognition.