TOP SPOT NABAWI NG CREAMLINE

Standings W L
*Creamline 6 1
*Chery Tiggo 5 1
PetroGazz 3 2
F2 Logistics 3 2
Cignal 3 2
Choco Mucho 3 3
PLDT 2 4
Akari 2 5
UAI-Army 0 7
*semifinalist

Mga laro sa Martes:
(Smart Araneta Coliseum)
2:30 p.m. – PLDT vs Cignal
5:30 p.m. – F2 Logistics vs Akari

NALUSUTAN ng Creamline ang matikas na pakikihamok ng United Auctioneers Inc.-Army upang maitakas ang 25-12, 25-18, 23-25, 25-23 panalo at mabawi ang top spot sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa Araneta Coliseum.

Humabol ang Cool Smashers mula sa early eight-point (2-10) deficit sa fourth ngunit nasayang ang 21-17 kalamangan bago lumayo sa likod nina Ced Domingo at Jema Galanza sa big windup na tinulungan ng attack error ni Laura Condotta na tumapos sa pag-asa ng Lady Troopers na mahila ang laro.

Selyado na ang semifinals berth, nais na lamang ng Creamline (6-1) na makuha ang kinakailangang momentum papasok sa mas mabibigat na laban.

“Talagang this conference hindi mo masasabi kung ano’ng ilalaro mo kasi malaking bagay ‘yung mga imports, talagang nagco-contribute sila every game lalo na sa opensa. Talagang lahat ng imports ngayon mahirap bantayan,” sabi ni Cool Smashers coach Sherwin Meneses.

“Hopefully, mag-improve pa kami sa mga next games namin,” dagdag pa niya.

Gumawa si Jia de Guzman, ang playmaker ng Cool Smashers, ng 24 excellent sets at nagpakawala ng tatlong service aces.

Nanguna si Yeliz Basa para sa Creamline na may 18 points, kabilang ang 2 blocks. Napantayan ni Domingo ang 3 aces ni De Guzman at nagtala rin ng 2 blocks para sa 16-point outing habang nag-ambag si Galanza ng 14 points, 11 digs at 23 receptions.

Bokya pa rin ang UAI-Army sa pitong laro.

Nanguna si Condotta para sa Lady Troopers na may 20 points, 13 digs at 7 receptions, tumipa si Nene Gonzaga ng 12 points, kabilang ang 2 service aces, habang nag-ambag si Jovelyn Gonzaga ng 10 points, kabilang ang 2 blocks, at 10 digs.