BULACAN – MULING nanawagan sa mga kababayan partikular sa kanyang mga constituents sa Unang distrito ng Bulacan si Cong. Jose Antonio Sy Alvarado na tangkilikin ang torotot bilang paglikha ng ingay sa pagsalubong ng Bagong Taon kaysa makatiyempong makabili ng mababang kalidad ng paputok at pailaw na may malaki ang porsiyentong makadisgrasya lalo na ang firecrackers na gawa ng mga kolorum na pagawaan sa probinsya.
Ayon kay Alvarado, mas makabubuting maging maingat at mabusisi ang publiko sa pagbili ng paputok at fireworks display lalo na sa mga hindi lisensiyadong tindahan dahil malaki ang posibilidad na makabili sila ng low standard na paputok kapag sa bangketa lamang ito binili at malaki ang porsiyentong gawa ito ng mga kolorum na pagawaan na bukod sa mahinang klase ang pagkakagawa bagamat maayos ang package o pagkakabalot ay palpak naman ang pagkakagawa bukod sa mabilis sumabog ay may pagkakataong kusa itong sumasabog kahit hindi sinisindihan ang mitsa.
Nakumpirmang dumadayo pa ang mga constituent ni Alvarado na mula sa Paombong, Calumpit, Hagonoy, Bulakan, Pulilan at Malolos City sa bayan ng Bocaue, itinuturing na Firecrackers capital ng bansa dahil mataas ang kalidad ng paputok at pailaw na gawa sa nasabing munisipalidad kung saan nagiging mabili rin sa merkado ang torotot dahil mas tinatangkilik ito ng mga Bulakenyo para ipagamit sa kanilang mga anak sa pagpasok ng Bagong Taon.
Nabatid na patuloy ang monitoring ng awtoridad sa mga tindahan, bodega at pagawaan ng paputok sa Bulacan para matiyak na nakasusunod sila sa Firecrackers Law kung saan mataas ang uri ng paputok at pailaw na ibinebenta sa mga lehitimong tindahan at sumusunod sila sa tatlong segundong burning time ng mitsa para maiwasan ang disgrasya.
Inaasahan naman ng mga negosyante ng paputok na magiging mabili pa rin ang firecrackers sa Bulacan ngayong paghihiwalay ng taon at posibleng kapusin pa ang supply ng paputok at pailaw dahil nagsisimula nang dagsain ng mga mamimili ang mga tindahan sa bayan ng Bocaue, Sta. Maria at Baliwag na garantisado ang finished product ng firecrackers.
Asahang magiging mahigpit na ang awtoridad sa mga tindahan ng paputok sa Bulacan simula bukas, bisperas ng Pasko, dahil dito na magsisimulang dumagsa ang mga mamimili na nanggaling sa malalayong bahagi ng Northern Luzon at maging ang galing sa Metro Manila na mas tina-tangkilik ang paputok sa Bulacan kaysa sa mga imported na paputok na asahang dadagsa rin sa merkado. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.