TOTAL BAN SA FOREIGN TRAVELERS

TRAVEL BAN-2

INIREKOMENDA ng isang kongresista ang pagpapatupad ng total travel ban sa bansa.

Kasunod na rin ito ng pagpasok sa bansa ng bagong SARS-COV-2 UK variant matapos na magpositibo ang isang Pinoy mula sa United Arab Emirates (UAE).

Ayon kay BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co, hindi na nakasisiguro ngayon sa banta ng pagpasok ng mas maraming kaso ng bagong COVID-19 strain kaya dapat lamang na ipagbawal muna ang pagpasok sa bansa ng mga foreign traveler sa lalong madaling panahon.

Ipinasasama rin sa total travel ban ang mga Filipino o overseas Filipino workers na pauwi ng Filipinas.

Paliwanag ni Co, posibleng hindi lang ang Pinoy mula sa UAE ang nagpositibo sa bagong variant ng sakit at maaaring may iba pa na mula sa ibang bansa ang nagpositibo at nakapasok na sa Filipinas at hinihintay na lang ang resulta ng test.

Bukod dito, patunay lamang, aniya, na ang polisiya ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay hindi ganoon ka-epektibo kaya marapat lamang din na iabandona o itigil na ito.

Bagaman huli na ang total travel ban ay naniniwala ang lady solon na makatutulong ito para mapigilan ang pagpasok pa ng mas maraming kaso ng UK variant o iba pang bagong strain na maaaring umusbong na mas nakahahawa at mas delikado sa kalusugan ng mga Filipino. CONDE BATAC

Comments are closed.