MAGPAPATUPAD ang pamahalaan ng total ban sa pagpapadala ng mga manggagawa sa South Sudan dahil sa hindi magandang lagay ng peace and security situation sa naturang bansa.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, nagpasya silang ipatupad ang total deployment ban kasunod ng deklarasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nananatiling nasa alert level 4 ang naturang bansa dahil sa lumalalang karahasan, na banta sa kaligtasan ng mga manggagawang Pinoy sa North African region.
Nabatid na isang resolusyon ang inisyu ng governing board ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na pinamumunuan ni Bello, hinggil sa naturang total deployment ban sa pagproseso at pagpapadala ng lahat ng OFWs na patungo sa South Sudan.
“The POEA decided to impose a total ban on the processing ang deployment of all OFWs bound for South Sudan, until further notice,” anang DOLE.
Nauna rito, itinaas ng DFA ang alerto sa South Sudan sa level 4 mula sa alert level 2 dahil sa paglala ng karahasan na sumiklab sa pagitan ng puwersang kaalyado ni Pangulong Salva Kiir at ng Protection Unit mula sa SPLA in Operation (SPLA-IO) ni Vice President Riek Machar.
Sa ilalim ng alert level 4, itinatakda rin ang mandatory repatriation sa mga manggagawang Pinoy sa mga apektadong lugar.
Unang humingi ang POEA ng advice at klaripikasyon mula sa DFA hinggil sa alert level sa South Sudan at sinabi naman ng DFA na nananatiling nasa Alert Level 4 ang naturang bansa simula pa noong Hulyo 19, 2019.
Sa naturang resolusyon din, tinukoy rin ang kumpirmasyon mula sa DFA na ang South Sudan ay hindi tumatalima sa pag-rebyu sa Posts Certification, alinsunod sa Section 3 ng Republic Act 10022 bunsod na rin ng kasalukuyang unstable peace and order sa kanilang lugar.
Salig sa RA 10022, itinatakda na ang DFA ay dapat na mag-isyu ng sertipikasyon na tumutukoy sa compliance ng mga bansa sa anumang kondisyon ng deployment ng mga manggagawang Pinoy. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.