PAG-AARALAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan ng China na i-ban ng Philippine government ang online gambling sa bansa.
Ayon sa Malacañang, muling pinapurihan ni Chinese President Xi Jinping ang desisyon ng Filipinas na itigil ang pagtanggap ng mga bagong license application para sa Philippine offshore gaming operations (POGOs) sa bilateral meeting sa Beijing noong Huwebes.
“But [Xi] said he will appreciate more if POGO will be eliminated or stopped,” ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Ayon kay Panelo, hindi nagkaroon ng pagkakataon si Duterte na sumagot kay Xi, subalit binigyang-diin na posibleng pag-aralan ng Pangulo ang mga implikasyon ng total ban sa online gambling.
“Ang pag-aaralan doon ano ba ang mawawala sa atin kung itigil mo ‘yung online gaming,” ani Panelo.
Sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nakakolekta ito ng ₱186 million na withholding taxes mula sa POGOs magmula noong Hunyo, at inaasahang makakolekta pa ng ₱170 million ngayong buwan.
Binigyang-diin ni Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana noong Huwebes na hindi maaaring diktahan ng China ang Filipinas, at sinabing maaaring ilegal ang pagsusugal sa China, subalit sa Philippine law ay pinapayagan ang online gambling.
“They can’t dictate on us. Those are sovereign decision[s]. That is where we stand,” wika ni Sta. Romana sa mga reporter sa Beijing nang tanungin hinggil sa desisyon ng bansa sa kahilingan ng Chinese government.
Ang anumang uri ng sugal ng mga mamamayan ng China, kabilang ang online gambling, pagsusugal sa ibang bansa, pagbubukas at pag-o-operate ng casinos sa ibang bansa upang makahikayat ng mga mamamayan ng China bilang pangunahing customers, ay ilegal sa China.
Noong nakaraang linggo ay hiniling ng pamahalaan ng China sa Filipinas na i-ban ang lahat ng online gambling makaraang itigil ng huli ang pagtanggap ng aplikasyon para sa offshore gaming licenses hanggang hindi natutugunan ang lahat ng isyu hinggil dito.
Sa isang press conference sa Beijing ay sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Geng Shuang na, “Offshore gaming is the most dangerous tumor in modern society.”
“We have also taken note of the Philippine government’s announcement and appreciates it. We hope the Philippines will go further and ban all online gambling,” ani Geng.
“We hope it will further strengthen law enforcement with China and jointly tackle criminal activities including online gambling and cyber fraud. This will help create an enabling environment for the development of bilateral relations and peace and stability in the region,” dagdag pa niya.
Sinuspinde ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang pagtanggap ng mga bagong aplikasyon para sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) licenses habang nirerepaso ang mga existing contract nito.
Comments are closed.