TOTAL ban ang kautusan ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa lahat ng pork meat products na manggagaling sa mga bansa na apektado ng African Swine Fever (ASF) virus.
Ang hakbang ay sa pakikipagtuwang sa Bureau of Customs (BOC) at Food and Drug Administration (FDA) upang maiwasan na kumalat sa bansa ang naturang virus.
Ayon kay Reynaldo Quilang, hepe ng BAI-NAIA , hihigpitan nila ang scanning sa mga luggage ng mga dumarating na pasahero mula sa mga bansang apektado ng ASF tulad ng China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia at Moldova.
Sa direktiba ng BAI, maging ang mga hand carry na luggage na galing sa mga bansang pinaghihinalaang tinamaan ng ASF vi-rus ay dadaan sa X-ray scanning upang walang makalusot.
Ang kautusan ay nakapaloob sa BAI memorandum order No. 09 Series of 2019 na naka-address sa lahat ng mga veterinary quarantine personnel sa mga paliparan at pantalan sa buong bansa.
Sinabi pa ni Quilang na kukumpiskahin nila ang mga ipapasok na karne sa mga paliparan mula sa mga bansang apektado ng ASF para maprotektahan ang mga hog raiser sa bansa.
Samantala, nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa NAIA ang may 84 kilos ng imported na karne galing sa Japan dahil sa kawalan ng clearance at health certificate.
Ayon nama kay Customs-NAIA district collector Mimel Talusan, umaabot na sa 4,496 kilos ng meat products ang na-kumpiska mula Enero hanggang Mayo ng taong kasalukuyan. FROILAN MORALLOS