BINAWI na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang total deployment ban na ipinatutupad ng pamahalaan sa bansang Kuwait.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nangangahulugan ito na maaari nang makabalik sa Kuwait ang mga skilled, semi skilled, at professional workers.
Paglilinaw naman ni Bello, mananatili pa rin ang pag-iral ng partial deployment ban sa nasabing bansa kaya’t hindi pa rin maaaring magtungo roon upang magtrabaho ang mga household service workers (HSW).
Kasabay nito, inamin ng kalihim na sa ngayon ay may mga pag-aaral ng ginagawa sa posibilidad na maging permanente na ang pagbabawal sa pagpapadala ng HSW sa Kuwait.
Matatandaang una nang ipinagbawal ang pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait kasunod ng malupit na pagkamatay ni Jeanelyn Villavende, sa kamay ng kanyang mag-asawang amo.
Matapos namang masampahan ng kasong murder sa korte ang mga employer ni Villavende ay nagdesisyon na ang DOLE na bawiin na ang total deployment ban at magpatupad na lamang ng partial ban. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.