TOTAL GUN BAN VIOLATORS NASA 3K NA

KULANG isang linggo bago ang May 9, 2022 National and Local Election ay umakyat na sa halos tatlong libong katao ang naaresto sa paglabag sa pinaiiral na COMELEC total gun ban sa buong bansa.

Ayon sa talaan ng Philippine National Police (PNP) patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga nahuhuling lumalabag sa pinaiiral na gun ban kaugnay sa nalalapit na halalan na umaabot na ngayon sa 2,973 matapos mahuli ang karagdagang 13 na violators.

Lumilitaw sa datos ng PNP na sa nasabing bilang, 2,864 ang sibilyan, 49 ang security guards, 17 ang miyembro ng PNP, 17 ang tauhan ng AFP at 26 ang iba pang violators kabilang ang mga tauhan ng gobyerno.

Pinakamarami sa mga nahuli ay sa NCR na nasa 1,114; kasunod ang Region 4A na nasa 329; Region 7 na nasa 313; Region 3 na nasa 273; at Region 6 na nasa 183.

Nakumpiska sa mga ito ang 2,264 na firearms; 1,086 na deadly weapons, kabilang ang 111 na pampasabog; at halos 12 libong mga bala.

Mula Enero 9, ang unang araw na pagpapatupad ng total gun ban hanggang kasalukuyan ay umabot na sa 2,850 ang naisagawang gun ban operations ng pulisya sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Tatagal ang nasabing gun ban hanggang sa Hunyo 8 sa pagwawakas ng election period.
VERLIN RUIZ