IKINOKONSIDERA ng Malakaniyang ang pagpapatupad ng total lockdown kapag marami pa rin ang patuloy na magpapasaway at lalabag sa enhanced community quarantine (ECQ).
Ito ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque bagamat umaapela pa rin sila sa taumbayan na huwag na nating pahabain ang ECQ at sumunod na lamang sa nalalabing dalawang linggo.
Hinimok ni Roque ang mga Filipino na magsakripisyo lahat dahil kapag hindi na flatten aniya ang curve o hindi nabawasan ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, total lockdown talaga ang kinokonsidera nilang option.
Matatapos na sa Abril 30 ang pinalawig na ECQ sa buong Luzon.
Inaasahang maisusumite na ng Inter Agency Task Force (IATF) kay Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo ang report ng Technical Working Group (TWG) na naatasang mag-aral kung dapat bang palawigin o tanggalin na ang ECQ pagkatapos ng April 30.
Ayon kay IATF spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, sa Lunes, Abril 20, inaasahang ipriprisinta na ito sa kanila ng TWG upang mapag-usapan bago dalhin sa Pangulo.
Binigyang diin ni Nograles na kailangang maibigay nila sa Pangulo ang rekomendasyon dahil huling linggo na ng ECQ pagkatapos ng susunod na linggo.
Ang pag-aaral na ginagawa ngayon ng TWG ay nakabase sa limang parameters na kanilang napagkasunduan. LEN AGUIRRE-DWIZ882
Comments are closed.