(Total number ng gumaling 42 na) 7 PANG PASYENTE NG COVID-19 NAKAREKOBER

DOH

MAYNILA- NADAGDAGAN pa ang bilang ng pasyente ng coronavirus disease (COVID-19) na gumaling, ayon sa Department of Health.

Mula sa dating 35, sumampa na sa 42 ang pasyeteng nakarekober sa nasabing sakit habang 343 naman ang bagong kaso na ngayon ay may kabuuang 1,418.

Sa virtual presser, na pinangunahan ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, nabatid na tatlo pang pasyente ang nasawi at ang mga ito ay sina PH859, na isang 70-year old male na mula sa Quezon City; PH900 na isang 71-year old male mula sa Iloilo; at PH718, na isang 78-year old male mula sa Maynila.

Ang karagdagang nasawi ay pawang may taglay na mga karamdaman bago dinapuan ng virus, kabilang ang hypertension, diabetes, asthma, sakit sa kidney at dengue.

Ang magandang balita naman, ang bagong mga  gumaling ay sina PH204, na 32-year old female mula sa Makati; PH358, na 35-year old male mula sa Quezon City; PH135, na 13-year old female mula sa Quezon City; PH122, na 41-year old male mula sa Tarlac; PH114, na 35-year old male mula sa Caloocan City; PH109, na 44-year old male mula sa Pasig City; at PH88, na isang 33-year old male mula sa San Juan City.

Kaugnay nito, muli namang sinabi ni Vergeire na inaasahan na nila ang pagdami ng COVID-19 cases na dulot pa rin aniya ng backlog sa re-sulta ng COVID-19 tests.

Nanawagan din siya sa lahat na patuloy na manatili sa kanilang mga tahanan, dahil kung hindi aniya nila ito gagawin ay mababalewala lamang ang pagsusumikap ng pamahalaan na sugpuin ang COVID-19 sa bansa at patuloy pa ring tataas ang bilang nito. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.