TOTAL RECOVERIES SA COVID-19, 135K NA

DOH

PUMALO na sa mahigit 135,000 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling na sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang nadagdagan  ang bilang ng mga pasyenteng dinadapuan ng naturang karamdaman.

Batay sa case bulletin na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na hanggang 4:00PM ng Agosto 29 ay nakapagtala pa sila ng 655 bagong gumaling mula sa virus, sanhi upang umabot na sa kabuuang 135,101 ang mga COVID-19 recoveries sa Filipinas.

Kaugnay nito, iniulat  ng DOH na nakapagtala pa sila ng bagong 3,637 kumpirmadong kaso ng karamdaman, kaya’t umaabot na ngayon sa 213,131 ang total COVID-cases sa bansa.

“As of 4PM today, August 29, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 213,131,” anang DOH.  “A total of 3,637 confirmed cases are reported based on the total tests done by 102 out of 110 current operational labs.”

Sa naturang bagong bilang, 74,611 ang aktibong kaso pa, at 91.3% sa mga ito ang mild cases lamang, 6.7% ang asymptomatic; 0.8% ang severe at 1.1% naman ang kritikal.

Pinakamaraming dinapuan ng karamdaman mula sa National Capital Region (NCR) na nasa 2,030; sumunod ang Laguna na may 217; Rizal na may 155; Cavite na may 142 at Batangas na may 113.

Samantala, nakapagtala pa ang DOH ng 94 pasyente na nalagutan ng hininga dahil sa COVID-19, sanhi upang umakyat na sa 3,419 ang COVID-19 death toll sa bansa.

Sa mga namatay, 81 ang naganap noong Agosto; 12 noong Hulyo; at isa noong Hunyo.

Karamihan sa mga namatay ay mula sa NCR, na nasa 54; Region 4A na nasa 16; Region 3 na nasa 14; Region 6 na nasa apat; Region 9 na nasa tatlo; at Region 7 na may isa habang ang isa pa ay hindi batid kung saang lugar nagmula.

Mayroon naman umanong 50 duplicates na inalis na mula sa total case count at sa naturang bilang, 16 ang recovered cases.

Mayroon ding 12 kaso na unang iniulat na nakarekober na mula sa sakit ngunit sa pinal na balidasyon, natukoy na siyam sa mga ito ay namatay na habang tatlo pa ang aktibong kaso. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.