NASA kabuuang 253,488 na ang bilang ng mga gumaling mula sa coronavirus disease sa bansa matapos na may 585 pang pasyente ang nakarekober.
Iniulat ng Department of Health (DOH) na hanggang 4PM ng Miyerkoles, Setyembre 30 ay pumalo na sa 311,694 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases na naitala sa bansa.
Sa case bulletin na inilabas ng DOH, nabatid na nakapagtala pa sila ng 2,426 bagong kaso ng COVID-19.
Pinakamarami sa bagong kaso ay mula pa rin sa National Capital Region na umabot sa 887 new cases, sinundan ng Cavite na may 201, Rizal na may 147, Negros Occidental na may 115 at Batangas na may 99 new cases.
May 58 namang naitala ang DOH na bagong nasawi dahil sa virus.
Sa bilang na ito 42 ay nasawi ngayong Setyembre, 12 noong Agosto, at 4 noong Hulyo.
Sa ngayon, pumalo na sa 5,504 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19.
May 35 namang inalis ang DOH mula sa kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 na kanilang naireport.
Kasunod pa rin ito ng kanilang nagpapatuloy na validation at paglilinis sa kanilang listahan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.