UMAKYAT na sa 465,991 ang bilang ng gumaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito’y matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 5,868 na nakarekober sa virus.
Sa huling case bulletin ng DOH pumalo na sa kabuuang 500,577 ang kaso ng coronavirus sa Filipinas, matapos nakapag-tala ng 1,895 bagong nahawaan ng sakit.
Batay sa datos na nailabas ng Enero 17, nasa 24, 691 ang mga aktibong kaso.
Sumampa sa 9,895 na ang death toll sa bansa matapos madagdagan ng 11 ang nasawi sa virus.
Samantala, patuloy na nakararanas ng ilang mga sintomas ang karamihan sa mga indibiduwal na naospital dahil sa COVID-19, anim na buwan matapos sila magpositibo at gumaling sa sakit.
Ito ang isinagawang pag-aaral sa mahigit 1,700 pasyente sa Wuhan City, China, ang orihinal na epicenter ng pandemic.
Batay sa pag-aaral, 76% ng mga na-infect ng COVID-19 ay nakararanas pa rin ng sintomas, ilang buwan matapos silang gumaling.
63% sa mga ito ang nakararanas pa rin ng fatigue, 26% naman ang nagsabing hirap sila sa pagtulog habang 23% ang nagkaroon ng anxiety o depression.
Samantala, lumabas din sa pag-aaral na ang mga nakaranas naman ng severe na sintomas ng COVID-19 ay patuloy pa ring nakikitaan ng pagkasira sa baga, batay na rin sa kanilang X-rays, anim na buwan matapos gumaling.
Kaugnay nito, iginiit ng mga dalubhasa ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagkakaroon ng post-discharge care sa mga pasyente ng COVID-19 kahit na nakarekober na ang mga ito. JOHN JUDE ALABADO-DWIZ882
Comments are closed.