Totoo ba ang multo?

PALAGI  na, naitatanong ng marami kung totoo nga bang may multo. Sa totoo lang, hindi pa ako nakakakita, pero meron akong mga creepy at weird encounter na nangyari sa iba’t ibang lugar at iba’t ibang pagkakataon.

Isa sa mga weird kong karanasan ay nangyari noong 1977, sa bahay ng kapatid ng lola ko sa Gagalangin, Tondo, Manila.

Biyernes ng gabi. Ikatlong araw ng pagkamatay ni Lolo Goying na asawa ni Lola Eling. Si Lolo Goying ay beteranong sundalo na naging jeepney driver nang magretiro. Aneurism ang kanyang ikinamatay na sinabayan pa ng atake sa puso.

Dalawang araw lamang ibinurol si Lolo Goying at noon ngang Biyernes ay inilibing na siya. Pagkalibing, umuwi sa Batangas ang mag-inang Eling at Emma kaya naiwan akong mag-isa sa bahay dahil may pasok pa ako sa Mapua Institute of Technology sa Sabado.

Ilang beses na akong natulog mag-isa sa nasabing bahay dahil madalas nga silang umuwi sa Batangas. Okay lang. hindi nakakatakot, dahil may tao naman sa itaas. Pero nang gabing ‘yon, nakaramdam ako ng takot. Pakiramdam ko ay may kasama ako sa bahay kahit alam kong wala naman talaga.

I just shrugged it off kahit na medyo weird. Sa isip ko, tinatakot ko lang ang sarili ko. Pero ewan ko ba – weird talaga. Hindi ko maipaliwanag. Kaya para mawala ang takot, kinuha ko ang gitara ko at kumanta ako ng kumanta hanggang madaling araw. Kinanta ko lahat ng alam kong kanta sa simbahan, pati na Our Father ni Barbara Streisand at Hail Mary ni Victor Wood. Kung bakit naman biglang tumahimik ang Tondo. Ano yon, maaga silang lahat natulog? Dati naman, madaling araw na may nagkukwentuhan pa sa kapitbahay.

Isinara ko lahat ng bintana at pinto dahil madaling araw na at nakakahiya nang magngangawa, pero binuksan ko ang lahat ng ilaw. Dati, ayokong matulog na may bukas na ilaw, pero that night, weird talaga pakiramdam ko. Ayoko ng madilim.

Hindi rin ako natulog sa kwarto. Sa salas na lang, para in case na totoo ngang may multo, makakalabas ako agad ng bahay. And finally, nakatulog naman ako ng walang aberya.

As usual, nagising ako ng 6:00 am kinabukasan. Sa sofa ako nakatulog, syempre, doon din ako nagising. Nag-inat-inat ako at nagpasalamat sa Diyos na nakatulog ako ng mahimbing at nagising din sa tamang oras kahit nakalimutan kong i-set ang alarm clock. Maliligo na sana ako para pumasok sa iskwela, pero wait lang … parang may mali. Bakit bukas lahat ng mga bintana at sarado lahat ng ilaw maliban sa ilaw sa kusina? Bakit nakaawang ang pinto na parang may lumabas, e wala naman akong kasama sa bahay kahit pusa?

Tumayo lahat ng balahibo ko sa batok. Dahil driver, nakaugalian n ani Lolo Goying noong nabubuhay pa na umalis sa bahay dakong 5:00 am. Binubuksan niya ang lahat ng mga bintana para raw pumasok ang grasya at pinapatay ang lahat ng ilaw sa bahay liban sa ilaw sa kusina na si Lola Eling ang nagsasara. Iniiwan din niyang bahagyang nakaawang ang main door at ang gate.

Pero hindi! Walang multo! Wala akong nakita at wala akong naramdaman. Malamang, pinagtripan ako ng anak ng kasera sa itaas na kaibigan ko rin naman. Akala niya, matatakot ako? No way!
Bitbit ang tuwalya, kinatok ko ang pinto ng kasera. Trespassing kaya siya! Kahit sila pa ang may-ari ng bahay, hindi sila dapat pumapasok ng hindi nagpapaalam sa umuupa.

Pero contrary sa expectation ko na pagtatawanan niya ako, bagong gising rin ang anak ng kasera, at mag-isa rin daw siya sa bahay dahil umuwi rin sa probinsya ang parents at mga kapatid niya. At wala raw siyang susi sa bahay namin.

Weird. Ayokong maniwala, pero hindi siya sinungaling. Aaminin niya kung ginawa niya, at pagtatawanan niya ako kung natakot ako.

At that time, ayokong matakot pero medyo kinabahan ako. Ayokong maniwalang sinamahan ako ni Lolo Goying sa bahay, pero sino? Sino ang nagbukas ng mga bintana at nagpatay ng mga ilaw? Nag-sleepwalk ba ako?

Matagal nang nangyari yon ngunit hangga ngayon, malaking katanungan pa rin kung ano talaga ang nangyari noong gabing iyon. Run your imagination. May multo nga ba? NLVN