NAKIKITA ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Southern Leyte Rep. Roger Mercado ang malaking potensiyal ng mabilis na pag-unlad ng sektor ng turismo, agrikultura at kapaligiran kapag naging federalismo na ang sistema ng gobyerno ng Filipinas.
Ayon sa kongresista, ang federalism na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tanging daan para higit pang mapabuti at mapanatili ang natamong pag-unlad ng bansa na hindi naitala ng ibang nasyon.
Sinegundahan naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pahayag ni Mercado sa pagsasabing mahalaga ang turismo, pangangalaga sa kapaligiran at sektor ng agrikultura para sa pagpapaangat ng ekonomiya.
“If you want development, if you want progress, if you want growth, you have to talk about TEA (Tourism, Environment and Agriculture),’’ giit ng kalihim kung saan itinuring din niyang ‘game changer’ ang nasabing mga sektor.
Ayon sa Southern Leyte solon, sa ilalim ng federalismo, masisiguro ang pantay na pamamahagi ng financial resources sa mga lalawigan at magkakaroon ng kaunlaran sa mga ito, na mararamdaman hanggang sa kani-kanilang barangay na nasasakupan.
Nauna rito, naging host ang nasasakupang probinsiya na kinakatawan ni Mercado sa Kamara sa isang federalism summit, na may temang “Tourism, Environment and Agriculture (TEA) Summit: Our Vision for Progress” kamakailan. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.