TOURISM OFFICER ITALAGA SA TOURIST DESTINATIONS

SEN NANCY BINAY

NAIS ni Senadora  Nancy Binay na magtalaga ng tourism officer sa bawat major tourist destinations upang mas mapalakas ang turismo sa bansa.

Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 1124, iginiit ni Binay ang pag-amyenda sa Sections 443, 454 at 463 ng Local Government Code of 1991.

Ipinaliwanag ng senadora na makatutulong sa pagpapalakas ng turismo ang pagtatalaga ng tourism officer sa major destinations at darami ang tourism-related investments.

Binigyang-diin pa nito, hindi nakapaloob sa Republic Act 7160 o “Local Government Code of 1991” na ga­wing permanent position ang tourism officers sa exclusive list ng mga opisyal sa bawat local government unit (LGU).

Subalit nakasaad aniya sa Section 42 ng Republic Act 9593 o Tourism Act of 2009 na mandato ng bawat lalawigan, lungsod o munisipalidad kung saan turismo ang pangunahing industriya na magtalaga ng permanent tourism officer.

Ipinaalala ni Binay na nasa P2.2 trilyon o 12.7 percent  ng Gross Domestic Product (GDP) noong 2018 ang nagmula sa turismo.

Naniniwala  ang senadora na sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga tourism officer sa bawat tourist destination  ay mas mapapataas pa ang kita sa turismo at  darami ang bilang ng trabaho at kabuhayan sa bansa. VICKY CERVALES

Comments are closed.