TOURIST SPOTS SA MINDANAO

TUWING buwan ng Setyembre, ipinagdiriwang ang “Buwan ng Turismo” o mas kilala bilang “National Tourism Month” sa buong Pilipinas.

Ang deklarasyong ito ay bilang pagbibigay-halaga sa mga naggagandahang lugar sa ating bansa.

Ibig sabihin, kasama rito ang mga natural o gawang kamay ng mga tao (man-made) na atraksiyon sa mga turista, mga lokal o galing sa iba’t ibang dako ng mundo.

Hindi maitatanggi na talagang mayaman tayo sa mga magagandang tanawin at pasyalan.

Ngunit iilan lang ang mga atraksiyon na sadyang dinarayo ng mga turista.

Siyempre, numero uno na nga riyan ang Boracay Beach sa Aklan; Bohol; Cebu; Siargao Island dahil sa “surfing”; Vigan (Ilocos Sur) bilang “cultural heritage ng mga Kastila; Baguio City; at Ifugao bunga naman ng “rice terraces”.

Sa ilalim naman ng bagong administrasyon ni incoming President Bongbong Marcos, plano raw ni incoming Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, alkalde ng Liloan, Cebu, na buhayin ang turismo sa Mindanao Region.

Suportado ng maraming sektor ang balak na ito ni Frasco dahil marami nga namang nakakubling tourist spots sa Lupang Pangako.

Nariyan ang Subanen Heritage House sa Lapuyan, Zamboanga Del Sur at Farm Grille sa Basilan.

Dinarayo rin ang Island Garden City of Samal dahil sa magagandang beaches; Magpupungko Rock Pools; Hinatuan Enchanted River; Naked Island; Guyam Island; Daku Island; Sugba Lagoon; Camiguin;

Tinuy-an Falls sa Surigao del Sur; Mt. Apo; Tinago Falls sa Lanao del Norte; Mount Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary; Aliwagwag Falls; Maasin River sa Siargao; Coconut Mountain View; Cape of San Agustin; Lake Sebusa South Cotabato; Dahican Beach; Philippine Eagle Center; at marami pang ibang tourist destinations sa rehiyon.

Kung ang mga ito ay mapapaunlad na destinasyon ng mga turista, siyento-por-siyentong mas maraming kita ang papasok sa ating mga kababayan at sa kaban ng bayan.

Hindi mapapasubalian na ang turismo ay nagbibigay ng mas malaking kita sa gobyerno kaya mahalagang suportahan ang bawat programang inilalatag para rito.

Totoong kailangan din ng malaking pondo upang ang mga lugar na ito ay maisaayos.

Kaya nakalulungkot lang isipin na mismong ang Pinay na si Raissa Robles, correspondent ng South China Morning Post at vlogger, ang kukutya sa plano ni Frasco na ibangon ang turismo sa Mindanao.

Para kay Robles, malabo at problematic ang plano ni Frasco dahil magpipiyesta lang daw ang mga bandido at kidnappers.

Hindi lang si Frasco ang pumalag sa pahayag ni Robles kundi ang militar at pulisya, gayundin sina incoming Vice-President Inday Sara Duterte, House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman, at Tausug-Kausug Party-list Rep. Sheree Ann Tan-Tambut.

Sabi nga ni Tan-Tambut, hindi porke tila kinamumuhian ni Robles ang susunod na administrasyon ni Marcos ay may lisensiya na itong magbigay ng mga maling akala na sumisira sa pagsusumikap ng Muslim Mindanao na mapanatili ang istabilidad at kapayapaan doon.

Pangit na imahe ang ipininta ng nasabing mamamahayag sa Mindanao.

Oo, nagdudumilat ang katotohanan na marami pang dapat gawin sa rehiyon ngunit hindi dapat hilahin pababa ang gobyerno na matagal nang nagsusumikap na makahikayat ng mga mamumuhunan at turista sa lugar.

Kailangan lang ng sapat na imprastraktura gaya ng magagandang kalsada, serbisyo ng hotel, telekomunikasyon o internet, elektrisidad, at iba pa upang maisakatuparan ito.

Ang mga naturan ang dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan na mas mapalakas pa upang ito ay lalong maibenta sa internasyonal na ugnayan sa turismo.

At malaking pagbabago ang kailangan upang makabawi ang turismo sa nakapanlulumong pagkalugi dulot ng nagpapatuloy na krisis.

Huwag nating bigyan ng puwang ang pagkakawatak-watak at bangayan.

Sa ganitong panahon, mahalaga ang pagtutulungan at pagkakaisa upang makabangon muli, hindi lamang ang turismo sa Mindanao o sa Pilipinas, kundi ang lahat ng sektor na pawang krusyal sa ekonomiya ng ating bansa.