TOWNHALL DEBATES SA PAGKAPANGULO AT IKALAWANG PANGULO, SINUSPINDE NG COMELEC

SINUSPINDE ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang townhall debates para sa pagkapangulo at ikalawang pangulo ng bansa.

Ayon sa pahayag ni Comelec Commissioner George Garcia, inilipat sa ibang petsa ang debate na dapat sana ay gaganapin ngayong araw ng Sabado at sa Linggo (Abril 23 at 24, 2022).

Nabatid kay Garcia na ang hakbang sa naturang suspensyon ay bunsod ng hindi inaasahang mga pangyayari.

Nakatakda ang debate sa Abril 30 at Mayo 1.

“We will not be able to proceed with the debate for tomorrow and Sunday. Hindi po natin ito matutuloy pero hindi po siya cancelled. Reset lang po by next week, by April 30 and May 1,” pahayag ni Garcia.

Sinabi pa ng komisyuner na ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) ang siyang magiging katuwang sa susunod na debate na kung saan ay nauna ng nag alok ng tulong at Libre.

Napag-alaman kay Garcia na ang dahilan ng pagkasuspinde sa debate ay ang hindi pa makapagbayad ang kanilang contractor na “Impact hub Manila” sa Sofitel Garden Plaza, kung saan ginaganap ang debate.

Nalaman na ang ibinayad na tseke ng contactor sa Sofitel ay tumalbog.

“Nalaman namin yung problemang ‘yan noong mga nakaraang araw lamang. Personal na pumunta rito yung representatives ng Sofitel upang sabihin na may mga tseke nga raw na nag-bounce sa kanila ng aming partner,” ani Garcia.

Humingi na umano ng saklolo ang Sofitel management sa Comelec para maayos ang issue sa bayarin.

“Humihingi kami ng paumanhin sa mga kandidato. Sa maikli na ngang panahon na allowed mangampanya, hindi pa namin nasabi kaagad na hindi matutuloy ‘yung debates tomorrow and Sunday,” ayon naman kay Comelec commissioner Rey Bulay.

“Naintindihan namin na na-set ni’yo na ‘yan sa inyong kalendaryo sa pangangampanya at humihingi po kami ng paumanhin,” dagdag pa nito. Jeff Gallos