HANNAH JOICE NICOLE S. MALACAD
Karaniwan nating naririnig sa panahon ng kapaskuhan ang paniniwalang para ito sa mga bata. Kahit pa ako’y sumasang-ayon din dito, hindi ko maikakailang sa panahong ito, marami ring bagay tayong naituturo sa kanila – intensyonal man o hindi, na maaaring bumuktot sa kanilang pananaw sa ilang mga bagay kalaunan.
Una,ang pagiging materialistic ng bata sa pagtanggap ng regalo. Kadalasa’y nakatuon ang kanilang pansin sa ganda ng natanggap nilang regalo kaysa sa effort at intensyon ng nagbigay nito. Para sa kanila, mas masaya kung makatatanggap sila ng bagay na sunod sa uso, mamahalin, o bago sa paningin ng iba nang maipagmalaki nila ito sa mga kalaro o kakilala. Dahil sa ganitong pag-iisip, may mga batang hindi nasisiyahan sa mga simpleng regalong tutugon sa kung ano ang kailangan o makabubuti para sa kanila. Para sa kanila, ang kasiyahan ay katumbas ng mga bagong materyal na kanilang aariin – kung gaano ito kalaki, o gaano karami ang iba pa nilang matatanggap. Masama pa rito, kadalasa’y nagsasanga ito sa pagkukumpara sa natatanggap ng ibang mga bata na posibleng magdulot ng hindi kanais-nais na inggit na lalason sa kanilang isipan.
Kaya kapag nakatanggap sila ng regalong hindi tumutugon sa kanilang mga kahilingan, sa halip na magpasalamat, ay nalulungkot pa sila.
Pangalawa, hindi natin sinasadyang mahawaan ang mga bata ng pananaw na kailangang enggrande at marangya ang pagdiriwang ng kapaskuhan. Nariyan ang pagbili nang sobra-sobra at ng mga mamahaling pagkain kahit pa labas na sa badyet para sa Noche Buena, gayundin ang pagbili ng mga makikinang na palamuti at nagkikinangang mga pailaw upang makasabay sa naglalakihang dekorasyon ng mga kapit-bahay. Hindi rin mawawala ang paniniwalang kailangang bago ang isusuot na damit at sapatos sa araw ng Pasko; kung hindi, kawawa naman at baka pagtawanan.
Dahil sa ganitong mga kaugalian, nabibigyan natin ng maling konsepto ng kapaskuhan ang mga bata – na dapat perpekto at masagana palagi, kahit na ang totoo ay hindi naman ito kailangan. Ang labis na makulay na paglalarawan sa kapasukhang makikita sa iba’t ibang media channels ang humuhulma sa mga hindi makatotohanan o mataas na ekspektasyon tungkol sa Pasko.
Pangatlo, ang pagkikibit-balikat sa mga mas nangangailangan. Dahil nakatanim sa isip ng mga bata na ang Pasko ay para sa kanila, sinusulit nila nang husto ang mga oras na maaari silang pagbigyan ng mga magulang, kapamilya, o kakilala sa kanilang mga kahilingan. Sa mga ganitong panahon, nakatuon ang mga bata sa kanilang mga sarili at nawawalan ng pang-unawa o konsiderasyon sa mga taong walang matirhan o makain man lamang. Sa halip na matutuhan nila ang pagbibigayan at pamamahagi sa mga kapos sa buhay, nawawalan sila ng empatiya para sa iba.
Pang-apat, ang gender stereotypes. Hindi man sinasadya, karaniwang nangyayari ito sa paghahanda at pagbibigay ng mga regalo. Hindi sinasadyang maituro ng mga magulang ang kumbensyunal na pagtingin sa mga bagay na maaaring makaapekto sa pananaw ng mga bata sa kanilang kasarian. Halimbawa, ang mga laruang truck at robot ay nababagay lamang sa mga batang lalaki, habang ang mga beadwork materials, manika at iba pa ay para lamang sa mga babae. Kahit pa sa pagpili ng kasuotan ay madalas na umiiral ito – kulay rosas sa babae at bughaw sa lalaki. Kaya naman sa halip na malayang ma-enjoy ng mga bata ang mga bagay na talagang gusto nila, nahahalinhinan ito ng mga paniniwalang maaari nilang madala habang nagkaka-edad. Ang mga bagay na ito ay may impluwensiya sa pagtuklas nila sa kanilang mga tunay na identidad at pagtanggap dito.
Tunay na ang panahon ng kapaskuhan ay panahon ng kasiyahan at pagbibigayan, higit lalo para sa mga bata. Subalit sana’y hindi malupig ng mga baluktot na paniniwala at kaugaalian ang tunay na diwa nito. Maituro nawa natin sa mga bata na ang Pasko ay mahalaga hindi dahil sa mga bagong bagay na makukuha nila, sa salaping matatanggap, o sa masasarap na pagkain na naihahanda lamang sa hapag minsan. Maiparamdam sana natin sa kanilang hindi totoong kawawa ang simpleng pagdiriwang.
Hindi naman requirement ang mga pailaw o kung anu-anong magagarang bagong muwebles para masabing pinaghandaan ang araw ng kapanganakan ni Hesus. Ang mahalaga ay maisapuso nila ang konsepto ng pagbibigayan, pagsasama-sama, pag-ibig at pagkalinga sa kapuwa. Sapat na ang maisabuhay ang kabutihan, pasasalamat, pagtulong, at pakikipagkawang-gawa. Dahil ang Paskong masaya ay ang Paskong dama ng lahat.