Tumataas ang level ng polusyon na may kaakibat na toxic particles dahil sa mga materyales na gamit sa paputok at pailaw sa tuwing pagsalubong sa Bagong Taon na maaaring makaapekto hindi lamang sa hangin kundi maging sa kalupaan at ecosystem katulad ng mga nagmula sa nagamit ng mga nagsaya noong nakaraang New Year’s celebration mula sa bisperas hanggang Enero 1,2025, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
“Noong New Year’s Celebration, nu’ng New Year’s Eve medyo tumaas po talaga ang level ng concentration ng pollution. So mine-measure po ng DENR Environmental Management Bureau yung mga alikabok o fine particles katulad ng PM 10 at PM 2 at PM 2.5,” ayon kay Engr. JunDy Del Socorro, Chief ng Environmental Management Bureau (EMB) Air Quality Management Section (AQMS) Section ng DENR sa isang panayam.
Naobserbahan na sa kasagsagan ng pagsalubong sa bagong taon mula 12 midnight hanggang alas-2 ng madaling araw tumaas ng hanggang 160 percent na mas mataas sa guideline values at inabot ng 390 tapos pagdating sa PM 2 po, PM 2.5 ito yung mapinsalang fine particles, kung ang guideline values po ay 35 ay umabot ito ng 186.
Paliwanag pa ni del Socorro, bagamat napakasayang pagmasdan ng iba’t ibang kulay na nagmumula sa mga pailaw at paputok naglalaman din ito ng mga nakakalason o toxic substances.Sa ngayon, maging ang mga banyagang nasa Pilipinas ay namamangha sa nasasaksihan nilang mala digmaang putukan sa lahat ng sulok ng bansa partikular na sa mga highly urbanized areas nito tulad ng Metro Manila.
“Ibig sabihin pag nalanghap po yun parang nakalanghap ng napakaduming hangin. Hindi lang sa madumi, toxic din ang hangin na yan, dahil yung mga nagbibigay ng kulay sa mga firecrackers. Ito yung may mga toxic substances, ito yung mga heavy metals na sumasama po sa mga fine particles,”sabi niya.
Ang dispersal nito ay nagdedepende din sa direksyon ng hangin o panahon.”Halimbawa kung malamig mas dense ang moisture mas hirap siyang umangat, kaya magse-settle siya sa ground level. Kung mainit naman ang panahon hirap siyang umangat.Pero pagka umulan naman ay madali naman siyang nawa wash out,” sabi ni del Socorro.
Sa datos ng DENR mula noong Disyembre 31, 2024 hanggang madaling araw ng Enero 1, 2025, nakapagtala ang EMB-AQMS ng pinakamataas na dumi ng hangin sa Metro Manila sa may Makati area. Posible rin aniyang dumagdag sa polusyon ng hangin dito ang mga dumi ng hangin na nagmula sa mga karatig lugar nito na marami ring nagpaputok.
Paliwanag niya bagamat hindi napapansin ng mga tao, maaari rin anyang dumagdag ang polusyon na ito mula sa mga paputok mula hangin hangang sa mga kalupaan at maaaring makaapekto sa eco system.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia