MAGAGAMIT na ng mga motorista ang buong 88.85 kilometrong Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) simula Hulyo.15 ngayong taon makaraang ianunsyo kahapon ni Department of Public Works and Highways(DPWH) Secretary Mark Villar ang pagbubukas nito bunsod sa puspusang pagtatrabaho ngayon ng natitirang bahagi patungo sa Rosario Rotunda (dating Pugo-Rosario Road/Manila North Road Junction).
Ayon pa kay Sec.Villar,magiging madali na ang biyahe patungong Ilocos Region,Baguio City at Cordillera mula sa Metro Manila sakaling matapos na ang 11 kilometrong Pozzorubio,Pangasinan hanggang Rosario,La Union section bunsod sa mababawasan ito ng isang oras sa kasalukuyang tatlo at kalahating oras na biyahe.
Kaugnay nito, ang Asin Nangalisan Road ay panibagong alternative route ng mga motoristang bumibiyahe sa Baguio City na daraan sa Rosario kung saan tanging Marcos Highway at Kennon Road lang ang daan patungo rito sa pagtatapos ng trabaho sa huling bahaging ito ng TPLEX.
Ang P24 bilyong proyektong bahagi ng Build, Build, Build na programa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kinabibilangan ng design,financing,construction,operation at maintenance ng TPLEX ay konektado naman sa kontrata ng San Miguel Private Infrastructures Development Corporation sa Subic-Clark-Tarlac Expressway(SCTEx) at North Luzon Expressway(NLEx) na nagdudugtong sa Central at Northern Luzon sa Metro Manila.
Ang nabanggit na Expressway ay may siyam na exit kabilang ang La Paz sa Tarlac City, Victoria, Gerona, Paniqui at Moncada sa Tarlac, samantala Rosales, Urdaneta City at Pozzorubio sa Pangasinan at Rosario naman sa La Union. NORMAN LAURIO