PAGKAKATAON na ng mga residente ng Maynila na nagnanais na makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ito ay makaraang ianunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na magkakaroon ng “overseas mega job fair” ang pamahalaang lungsod na gaganapin sa SM Manila Activity Center (upper ground floor) sa Setyembre 29.
Sinabi ni Lacuna na ang job fair ay gagawin mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon at lahat ng interesado ay dapat na magsuot ng casual attire, magdala ng 10 ng resume at sariling ballpen.
“Arrive at least 30 minutes bago ang actual interview para relaxed na kayo at dapat kahit papano ay nakakain na kayo para di naman po kayo gutom habang iniinterview dahil minsan hindi tayo gumagana mabuti kapag gutom,” ayon sa alkalde.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng city government public employment service (PESO) office na pinamumunuan ni Fernan Bermejo.
Nabatid kay Lacuna na mula Enero 1 hanggang Setyembre 14, umabot na sa 18,801 ang nabigyan na ng trabaho.
Sa nasabing bilang, 4,229 ang hired on the spot; 6,613 naman ang placement report sa employers at 2,950 ang nakakuha ng trabaho mula sa motorcycle taxi.
VERLIN RUIZ