MAKATI CITY – BULLISH o ganado ang merkado sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Zambales na nagresulta ng mataas na bilang ng manggagawa gayundin ang mga investor o mga negosyanteng namuhunan sa lugar.
Ito ang inihayag ni SBMA Chair and Administrator Atty. Wilma Eisma nang maging resource person sa BusinessMirror Coffee Club na pinangunahan ni BusinessMirror Publisher T. Anthony Cabangon.
Sa kaniyang pagharap sa Aliw Media Group na kinabibilangan ng BusinessMirror, Philippines Graphic, PILIPINO Mirror at DWIZ 882, sinabi nitong maraming investors ang nag-aalok na magtayo ng negosyo sa SBMA at ang nagiging problema na lamang niya ay lugar at puwesto.
Sa katunayan, sa kanyang pagdating sa SBMA ay nadagdagan ng 15,000 jobs ang nasabing pasilidad kung saan dati ay nasa 30,000 lamang nang lumisan ang US bases.
Habang noong Pebrero hanggang Hunyo ngayong taon ay umabot na sa P85 milyon ang kinita ng SBMA.
Disyembre 21, 2016 nang i-appoint ng Malacañang si Eisma bilang administrator ng SBMA habang Setyembre 2017 nang pag-isahin ang administrator at chairmanship ng pasilidad at igawad sa kanya ang nasabing posisyon.
Nilinaw naman ni Eisma na hindi niya hiniling ang nasabing posisyon subalit positibong alam niya ang kaliit-litang detalye ng kaniyang trabaho dahil taga-Zambales siya.
Bagaman noong una ay nabalot ng kontrobersiya ang kanyang pag-upo, malaki ang pasalamat niya kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil suportado siya nito.
Aminado siyang istrikta sa mga tauhan upang maging maayos ang pamamalakad sa SBMA at kaya aniya siya ganoon ay ginagawa lamang niya ang tama at wala naman aniya siyang pangingilagan dahil isa siyang apolitical at walang balak kumandidato bilang politiko.
“I will stick to the right and I will not compromise my position,” ayon kay Eisma.
Dagdag pa ni Eisma na direkta siyang nakapag-uulat sa Malacañang kaya nagagabayan siya sa dapat na gawin.
“We have a good leader to help us,” sabi pa ni Eisma.
PANGARAP NA IPAMANA
Nais ni Eisma na sakaling matapos niya ang panunungkulan, nais niyang iwan ang SBMA na mas masagana pa ngayon para mas marami pang mabigyan ng hanapbuhay at negosyo.
Kabilang sa kanyang hangad ay magkaroon ng tulay sa kanugnog ng Subic at umaasa siyang may mga investor na mag-aalok niyon.
Sa ngayon, ay kaniyang tinatrabaho na maging visa free ang pagtungo sa Subic kahit pa aminadong nagkukulang na ng espasyo sa rami ng nais na magtayo ng negosyo roon.
MAY PAKIUSAP SA MGA BISITA
May pakiusap naman si Eisma sa mga magtutungo sa Subic at ito ay ang pagsunod sa trapiko.
Aniya, unawain ang pagiging istrikto ng kanyang traffic enforcer dahil sinusunod lamang nito ang kanyang kautusan.
Kapag aniya sumuway o tumanggap ng lagay ay may mapaglalagyan ang kanyang tauhan dahil lahat ng paligid ng pasilidad ay may closed-circuit television (CCTV).
Disiplina rin aniya ang nais niyang umiral sa kanyang nasasakupan kaya magkusa nang itapon ang sariling basura kung kakain. EUNICE C.
Comments are closed.