SA panahon ngayon na pahirap nang pahirap ang buhay, hindi sapat na isa lang ang nagtatrabaho. Kailangang magkaa-gapay ang mag-asawa sa paghahanapbuhay upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Hindi na uso ngayon ang isa lang ang nagtatrabaho. Kailangang magkatuwang. Magkaagapay.
Mahirap ang maging ina habang nagtatrabaho o nag-oopisina. Mahirap din ang magtrabaho habang may anak kang inaalagaan at iniisip. Ngunit sabihin man nating gusto nating mag-focus sa isang bagay, hindi naman maaari. Unang-una, kailangan nating magtrabaho para may maipantustos tayo sa ating pamilya. Samantalang biyaya naman ang pagkakaroon ng anak, at kapag ibinigay na ito sa iyo ay hindi mo na puwedeng hindian. Bagkus ay ipagpasalamat mo ito. Ingatan. Mahalin.
Marami nga naman ang nag-aasam na magkaanak. Ligaya rin kasi ang dulot ng pagkakaroon ng anak kahit pa sabihing kaakibat nito ang hirap at pasakit.
Maraming ina ang nagtatrabaho habang inaasikaso ang kanyang pamilya. Ngunit paano nga ba babalansehin ang pag-tatrabaho at ang pagiging ina?
TAPUSIN ANG MGA GAWAIN SA OPISINA AT HUWAG DADALHIN SA BAHAY
Lagi nating naririnig at nababasa na huwag iuuwi ang trabaho sa bahay. Dapat nga naman nating tapusin ang trabaho natin sa opisina nang sa pag-uwi natin ay pamilya naman ang ating pagtutuunan ng pansin
Oo, napakadali nitong sabibin pero kayhirap gawin lalo na kung wala namang pinipiling oras at panahon ang trabahong mayroon ka. May mga trabaho ngayon na kapag kinailangan ka sa opisina, kailangan mong pumunta kahit pa sabihing naka-leave o day off ka.
Gayunpaman sa kabila ng samu’t saring trabahong nakaatang sa atin, pagsikapan pa rin nating matapos ang mga gawain sa opisina nang magkaroon ng panahon sa pamilya. Hangga’t maaari, maglaan ng panahon sa mga anak kapag nasa bahay na at itabi na muna panandali ang trabaho. Gawin mo na lang ang trabahong kailangan mong tapusin kapag nakatulog na ang mga anak mo.
HUWAG IPAGPABUKAS ANG KAILANGANG TAPUSIN
May ilan sa atin na kung puwede namang ipagpabukas ang isang gawain, ipagpapabukas. Ginagawa ito ng marami sa atin. Kumbaga pinaiiral ang katamaran. Imbes na gawin ang isang bagay ay mas pinipili nitong magdahilan.
Kung magdadahilan lang tayo nang magdadahilan, marami tayong maiisip. Ang masaklap nga lang sa kadadahilan natin ay tiyak na wala tayong matatapos.
Ibahin o baguhin na natin ang nakagawian. Huwag tayong masanay sa pagdadahilan. Imbes na magdahilan, gumawa ng paraan. Halimbawa ay may kailangan kang tapusin, simulan mo na kaagad para matapos na. Kapag nagawa mo ng mas maaga ang isang bagay o trabaho, mas malaki rin ang panahong maibibigay mo sa iyong pamilya.
Kaya huwag nang maghintay ng deadline, simulan na kaagad at tapusin.
IWASAN ANG MGA NAKADI-DISTRACT NA BAGAY NANG MATAPOS AGAD ANG TRABAHO
Kapag nagtatrabaho tayo, matutong mag-focus nang matapos kaagad. Iwasan na muna ang paggamit ng cellphone o gadgets. Huwag na munang mag-facebook dahil tiyak na wala kang matatapos o matatagalang matapos ang iyong gina-gawa.
Mas maganda kung tatapusin muna ang trabaho bago mag-facebook o gumamit ng gadgets.
Huwag din munang makipagdaldalan sa gitna ng pagtatrabaho para maging maayos ang kalabasan ng iyong ginagawa kapag natapos na ito.
KUNG PUWEDENG ISAMA ANG ANAK SA TRABAHO, ISAMA
May mga kompanya na pumapayag na isama ang mga anak sa trabaho. Kung hindi naman mahigpit ang pinagtatraba-huang kompanya at maaaring isama ang anak, bakit hindi mo isama nang makita rin nito ang ginagawa mo kapag nasa opisina ka.
Basta’t kung isasama ang anak, tiyakin lang na hindi ito makagugulo sa iyong pagtatrabaho at maging sa kasamahan mo.
Turuan din ang mga anak ng mabuting gawi kapag nasa opisina. Para malibang din ang mga bata, magdala ng puwede niyang pagkaabalahan gaya ng libro, papel at ballpen. Iwasan ang pagpapagamit ng gadget sa mga bata.
IPARAMDAM SA ANAK ANG PAGMAMAHAL SA KABILA NG PAGIGING ABALA SA TRABAHO
Hindi maiiwasang mag-demand ang mga bata. Kapag nakikita nilang puro na lang trabaho ang inaatupag ng kanilang mga magulang, nagtatampo iyan at iniisip na mas importante ang trabaho ng kanilang magulang kaysa sa kanila.
Kaya naman, iparamdam natin sa ating mga anak ang pagmamahal natin sa kanila sa kabila ng kaabalahan natin sa pagtatrabaho. Kahit na pagod, maglaan pa rin ng panahon sa kanila. Sa pamamagitan ng maliliit na bagay ay maaari na nating maiparamdam sa kanila ang ating pagmamahal. Halimbawa na lang sa pag-uwi natin sa gabi, kahit na pagod na tayo, makipaglaro tayo sa kanila kahit saglit lang. O kaya naman, makipagkuwentuhan hanggang sa antukin sila. Puwede rin natin silang basahan ng mga libro nang makatulog. Kumbaga, gumawa tayo ng paraan para maiparamdam natin sa kanilang mahal natin sila.
GUMISING NG MAAGA PARA MAALAGAAN ANG MGA ANAK
Sabihin mang puyat at pagod ka, ugaliin mo pa rin ang paggising ng maaga upang maasikaso mo ang iyong pamilya. Ipagluto mo sila ng masasarap na putahe o iyong mga paborito nilang pagkain.
Mahirap nga namang balansehin ang pagiging ina at ang pagtatrabaho. Gayunpaman, bilang isang ina ay wala tayong hindi kayang gawin basta’t para sa ating mga anak. At kahit na pagod na tayo, basta’t para sa ating pamilya ay makakaya nating gawin.
Kung tutuusin, may kanya-kanyang paraan ang bawat ina kung paano nila babalansehin ang kanilang oras at panahon sa anak at trabaho. Minsan nga, para magkaroon sila ng panahon sa kanilang anak ay ninanakaw pa nila ang kaunting oras na mayroon sila para sa kanilang sarili. Maraming paraan para maging balanse ang bawat bagay. Maraming paraan para magampanan natin ang ating obligasyon sa pamilya at maging sa trabaho. Nasa sa atin iyan kung paano natin gagawin. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.