TRABAHO, DEKALIDAD NA EDUKASYON, PINALAWAK NA HEALTH CARE PARA SA 2025

PAGLIKHA ng mara­ming trabaho, dekalidad na edukasyon, pinalawak na panga­ngalaga ng kalusugan at proteksyong panlipunan, ang mga ito ang pangunahing pagtuunan ng mungkahing P6.352-trillion national budget para sa 2025.

Ito ang binigyang-diin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kahapon na bibigyan ng Kamara ng prayoridad sa alokasyon nang pormal nitong tanggapin ang mungkahing P6.352-trillion National Expenditure Program (NEP) para sa 2025 mula sa Department of Budget and Management (DBM) sa pangu­nguna ni Secretary Amennah  Pangandaman.

“Ang badyet na Php 6.352 trilyon ay sumasalamin sa ating pangarap na mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino,” ani Romualdez.

“Sa 2025 national budget na ito, inaasahan namin na ibubuhos natin ang pondo para makalikha ng mas maraming trabaho, masiguro ang de-kalidad na edukasyon para sa mga estudyante, at mapalawak ang suporta sa Universal Health Care,” dagdag pa ng pinuno ng mahigit 300 na mga kinatawan ng Kamara.

Ang panukalang budget sa susunod na taon ay mas mataas ng P585 billion sa kasalukuyang P5.768 trillion.

“Malinaw ang mis­yon natin: Ang mabigyan ng trabaho, edukasyon, at alagang pangkalusugan ang bawat pamilyang Pilipino,” anito.

Ang NEP ay may temang “Agenda for Prosperity: Fulfilling the needs and aspirations of the Filipino People.”

Napag-alaman na ang naturang panukalang budget ay naka­tuon sa agenda ng administrasyon ni President Ferdinand R. Marcos Jr. para sa  pagkamit ng economic at social transformation at ginagabayan ng Philippine Development Plan 2023-2028.

Ayon kay Pangandaman, ang panukalang 2025 budget ay naka­tuon para sa promosyon ng holistic development at inclusive sa lahat ng sektor.

Mapupuna na ang sektor ng edukasyon ang siyang top prio­rity na may alokasyon na P977.6 Bilyon, pangalawa ang public works na pinaglaanan ng pondong 900 Bilyon.

Sumunod ang Health, 297.6 Bilyon, Interior and Local Go­vernment P278.4 Billion, Defense P256.1 Billion, Social Welfare P230.1 Billion, Agriculture P211.3 B, Transportation P180.9 B, Judiciary P63.6 B, DOJ P40.6B.

Ipinangako naman ni Romualdez na ang nasabing budget para sa 2025 ay malalagay sa mga importanteng bagay kung saan sinabi nito na kanila itong babantayan nang sa gayon ay hindi masayang at hindi mapunta kung saan saan.

JUNEX DORONIO