MAHIRAP naman talagang maghanap ng trabaho lalo na sa panahon ngayon na kayrami-raming kakompetensiya. Idagdag pa ang mga nagsipagtapos sa kolehiyo ngayong taon. Kaya minsan talaga, nakadidismaya na sa hirap maghanap ng trabaho ay marami pa ring aplikante ang hindi natatanggap.
Kung tutuusin, wala na nga namang madali sa panahon ngayon. Lahat, para makamit mo ay kailangan mong paghirapan. Ngunit may ilang empleyado na hindi iniingatan ang trabahong mayroon sila. Kumbaga, nagpapabaya. Akala kasi nila, hindi ito mawawala kahit na hindi nila ingatan.
Lahat ng bagay, maging ang trabaho kapag hindi mo iningatan at inalagaan, maaari iyang mawala. Parang pag-ibig lang din. Kaya naman, sa mga mayroong trabaho, narito ang ilang tips kung paano ito maiingatan at nang hindi mawalang parang bula:
PAG-IGIHAN PA ANG GINAGAWA
Bawat empleyado, hindi dapat nasasanay na maging kampante. May ilan kasing dahil mayroon namang trabaho, hindi na pinagbubuti ang ginagawa. Bara-bara na lang. Basta-basta ang pagtatrabaho.
Hindi porke’t mayroon kang trabaho, masasabi mong hindi iyan mawawala. Kasi gaya nga ng sabi ko kanina, lahat ng bagay kapag hindi iningatan at inalagaan, maaaring mawala. Kaya huwag kang magpakampante sa trabahong mayroon ka. Kumbaga, palawakin mo pa ang kaalaman mo para mapagbuti mo pang lalo ang kung anumang iyong ginagawa.
Oo, may trabaho ka ngayon. Pero paano bukas? Paano kung hindi mo iyan iningatan? Sa tingin mo ba, hindi iyan mawawala sa iyo?
Pahalagahan natin ang kung anumang mayroon tayo. at higit sa lahat, palawakin natin ang ating kaalaman. Huwag tayong makampante sa kung ano lang ang alam natin.
MAGING PRESENTABLE
Look, iyan ang kaagad na tinitingnan ng marami. Kung maayos kang manamit, magugustuhan ka ng marami. Hindi rin mabilang na mga kasamahan sa trabaho ang lalapit at makikipagkaibigan sa iyo. Kaya kailangang maging presentable ka sa harap ng marami. Importante iyan lalo na kung nagtatrabaho ka. Hindi lang naman kasi talento ang labanan sa paghahanap ng trabaho o pagtatrabaho kundi ang kabuuan o look ng isang empleyado/aplikante.
Kaya kung hindi nagbibihis, aba, magbihis ka naman. Magpaganda/magpaguwapo ka. Para ito sa iyo at sa ikagaganda ng career mo.
HUWAG MAGMARUNONG AT MAGMAYABANG
May mga taong hindi talaga nila magawang pigilin ang kanilang sarili—kung makapagmarunong, wagas kung wagas. Kung makapagmayabang, akala mo talagang may ipanyayabang. Ang ganitong mga klaseng tao pa naman, gusto nilang sila lang ang bida. Sila lang ang magaling.
Nakaiirita ang mga taong nagmamarunong at nagmamayabang lalo na kung wala namang kaalaman. Kung tutuusin, hindi naman kailangang magmarunong at magmayabang ang isang tao o empleyado kung magaling siya. Kumbaga, hayaang iba ang pumuri at makakita ng galing mo. Hayaang iba ang magtaas sa iyo.
MATUTONG MAKINIG
Kailangan ding matuto tayong makinig, hindi lamang sa boss kundi maging sa mga taong nasa ating paligid.
May ibang empleyado na ayaw makinig sa komento ng mga kasamahan. Ayaw na ayaw rin nilang pinapayuhan sila.
May mga pagkakataong hindi natin nakikita ang mga pagkakamaling nagagawa natin at ang nakapapansin lang ang iyong mga nasa ating paligid. At dahil diyan, matuto tayong makinig.
MAGING MAPAGPAKUMBABA
Sa stress na nadarama natin sa trabaho o opisina, hindi maiwasang makapagsalita tayo ng hindi maganda o makagawa ng mga bagay na makasasakit sa kapwa. Sa ganitong pagkakataon o pangyayari, dapat ay matuto tayong magpakumbaba. Kung may mga hindi pagkakaintindihan sa opisina man iyan o pamilya, masinsinang pag-uusap ang isang susi upang maayos ito at matuldukan.
HUWAG MANIRA NG KAOPISINA
Sa isang opisina, hindi talaga nawawala ang inggitan at tsismisan. May ibang nananapak na para lang umangat ang posisyon. Tandaan natin na lahat ng bagay, may kapalit. Kung gumawa ka ng masama sa kapwa mo, masama rin ang babalik sa iyo.
Huwag nating hintaying balikan tayo ng kasamaang ginawa natin. Ngayon pa lang, ayusin na natin ang ating mga ugali. Huwag manira ng kapwa. Huwag mananapak. Maging makatao.
MAHALIN ANG TRABAHO
Para rin tumagal ka sa isang trabaho, kailangang mahalin mo ito.
May ilan na hindi ito pinahahalagahan at minamahal dahil trabaho lang ito para sa kanila. Kung ganito ang ipakikita mo, maaaring dumating ang pagkakataong mawala sa iyo ang trabahong mayroon ka. Kaya kung ayaw mong mawalan ng trabaho, mahalin mo ito. Pahalagahan mo at ingatan.
Napakaraming nangyayari sa isang opisina—may lungkot at mayroon ding saya. Marami ring pagsubok at ang isang empleyado lang ang makagagawa ng paraan para mapagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan. CS SALUD
(photos mula sa google)
Comments are closed.