TRABAHO PARA SA REFORMED DRUG USERS

NAGHAIN si Senador Jinggoy Ejercito Estrada ng counterpart bill sa Senado na magtitiyak ng magandang trabaho para sa reformed drug users at magbibigay insentibo sa mga kompanyang kumukuha sa kanila.

“Sa pagbibigay ng mga insentibo sa mga establisimiyento na kukuha ng mga rehabilitated drug dependents na sumailalim at nakapagtapos sa mga programang technical-vocational education and training (TVET) na partikular na idinisenyo para sa kanila, mabibigyan natin ng suporta ang kanilang reintegrasyon sa lipunan,” sabi ni Estrada sa paghahain ng Senate Bill No. 2276.

Sa ilalim ng SBN 2276, iminumungkahi ni Estrada, na kilalang labor advocate, ang pagkakaroon ng kolaborasyon sa pagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ng Department of Labor and Employment (DOLE) para makabuo ng TVET programs para sa mga rehabilitated drug dependents.

Ang TVET at mga programang pangkabuhayan ay tutuon sa pagbibigay sa mga reformed drug user ng kakayahang makipagkumpitensiya na maaaring maging daan upang makahanap sila ng matatag na trabaho o makapagtaguyod sa pagkakaroon ng sariling negosyo.

Layon ng panukalang batas na itatag ang mga programa at matiyak ang paglalaan ng pondo para patuloy ang pagpapatupad sa mga ito.

Sinabi ni Estrada na mula pa noong 2016, nagbibigay na ng pagsasanay at livelihood scholarship sa mga dating drug dependents ang TESDA at noong taong 2021, nasa 94 porsiyento o 8,200 mula sa kabuuang 8,700 na mga dating gumagamit ng ilegal na droga ang nakapagtapos ng iba’t ibang kurso mula sa nasabing ahensiya.

“Ito ay sapat na patunay ng kahandaan ng mga dating drug dependent na makapagbagong-buhay. Mahalagang mapanatili ang suporta na ibinibigay sa kanila at palawakin ang saklaw nito upang isama ang skills training at productivity enhancement na maghahanda sa kanila na maging self-reliant at kwalipikado para sa makabuluhang trabaho,” sabi ng chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development.

“Mapapabuti nito hindi lamang ang pinansiyal na kalagayan ng kanilang pamilya kundi makakatulong pa sa pag-unlad ng bansa,” dagdag pa ni Estrada.

-VICKY CERVALES