TRABAHO PARA SA TAGA-PASAY IKINASA

SA isinagawang koordinasyon ng lokal na pamahalaan ng Pasay sa pamunuan ng SM Mall of Asia (MOA) Hypermarket ay nag-alok ng oportunidad na makapagtrabaho ang lungsod sa mga residente na matinding naapektuhan at nawalan ng pagkakakitaan sanhi ng pandemya na idinulot ng COVID-19.

Ayon sa pahayag ng Public Employment Service Office (PESO), na­ngangailangan ang SM MOA Hypermarket ng 70 kahera at 70 baggers kung saan prayoridad na matanggap sa slot na ito ay mga residente ng lungsod.

Ang pangangaila­ngan ng Hypermarket ng mga nabanggit na empleyado ay malaking bagay ang maitutulong nito sa mga residente sa lungsod na naghahanap ng pagkakakitaan lalo pa ngayong panahon na papalapit na ang Kapaskuhan.

Napag-alaman din sa lokal na pamahalaan na ang pagbibigay ng oportunidad para makapagtrabaho ang mga residente ay bahagi ng programang HELP (H-health/housing, E-education, economic growth and environment, L-live­lihood and lifestyle, at P-peace and order, palengke at pamilya) ng lungsod.

Samantala, sa patuloy ng pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) ay nakatakdang ibaba ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Alert Level 3 ang naturang rehiyon simula Oktubre 16 hanggang Oktubre 31.

Sa pagsasailalim ng Alert Level 3 sa buong NCR ay maaari nang magbukas ng negosyo ang ilang establisimiyento na nananatiling nakasarado sa Alert Le­vel 4 kung saan ang mga ito ay papayagan na tumanggap ng customer ng hanggang 30 porsiyentong kapasidad lamang.

Pasok dito ang mga restoran at mga aktibidad ng relihiyon, bakunado man o hindi basta’t nasusunod ang 30 porsiyentong kapasidad.

Sa pagpapatupad ng Alert Level 3 ay papayagan na rin ang mga conference at exhibition habang maaari na ring magdagdag ng tao sa mga tanggapan at opisina ng gobyerno kung saan pinag-aaralan na rin ang pagpapabalik ng hanggang 50 porsiyento ng empleyado.

Sa kabila ng pagluluwag dahil na rin sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 ay mananatili pa rin ang kapulisan sa panghuhuli ng mga lalabag sa ipinatutupad na health protocols. MARIVIC FERNANDEZ

6 thoughts on “TRABAHO PARA SA TAGA-PASAY IKINASA”

Comments are closed.